Home NATIONWIDE Ina ni Carlos Yulo, humingi ng tawad sa anak

Ina ni Carlos Yulo, humingi ng tawad sa anak

MANILA, Philippines – Naging emosyonal ang ina ng 2 time Olympic gold medalist Carlos Yulo na si Ginang Angelica Yulo kung saan humingi ng paumanhin at patawad sa kanyang nabitawang salita.

Sa ginanap na press conference ngayong umaga, Agosto 7, ni Ginang Yulo, kasama ang kanyang abogado na si Atty. Raymond Fortun, aminado ito sa kanyang pagkakamali sa Facebook page.

Gayunman, iginiit ng Ginang ang iba pang nagsulputang mga pahayag sa X na dating Twitter at iba pang social media platforms ay gawa-gawa lamang at pawang mga ‘fake’ accounts.

Hindi na sinagot pa ng Ginang ang ibang katanungan ng media kaugnay sa naging problema nila ng kanyang anak at sa halip ay umaasa siya na mapag-usapan sa pamilya ang isyu.

Partikular dito ang isyu sa pera tulad nang nabanggit ng kanyang anak sa isang pahayag.

Nang tanungin ang Ginang Yulo hinggil sa girlfriend ng kanyang anak na si Chloe Anjeleigh San Jose kung tanggap nito, sinabi na ang usapin ay pag-usapan na lamang sa kanilang pamilya.

Aminado ang ginang na bagamat hindi na mababwi ang mga nabitawang salita, handa pa rin ang kanilang pamilya na makausap ang anak na si Caloy.

Sinabi ni Ginang Yulo na nagpatawag siya ng presscon sa huling pagkakataon para matapos na ang isyu at mapag-usapan na lamang ito sa loob ng kanilang pamilya.

Binanggit naman ni Atty. Fortun na wala silang plano na habulin at kasuhan ang mga nagpakalat ng mga fake news sa social media.

Sa huli, nanaig pa rin ang pagiging ina ng Ginang kung saan binati ang anak sa nakamit na dalawang ginto sa 2024 Paris olympics. Jocelyn Tabangcura-Domenden