MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na napakahalaga ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagtataguyod at pagpapalakas sa pandaigdigang kompetisyon ng mga atletang Pilipino.
“Importante po ‘yung suporta sa isa’t isa. Suporta ng gobyerno, suporta ng pribado para sa tagumpay ng ating mga atleta,” sabi ni Go, tagapangulo ng Senate committees on sports and on youth.
Sa mga unang araw niya bilang senador noong 2019, ikinuwento ni Go ang kanyang pagtataguyod para madagdagan ang suporta kay weightlifter Hidilyn Diaz mula sa mga pribadong entity dahil sa mga limitasyon sa gobyerno.
“Naaalala ko noong 2019, kaka-senador ko lang po. Si Hydilyn Diaz, isinulong ko na matulungan ng isang private company dahil kulang po ‘yung suporta at sobrang dami ng requirements sa gobyerno. Dapat suportahan talaga natin ‘yung ating mga atleta na hindi na-cover ng gobyerno,” paliwanag niya.
At dahil sa collaborative approach na ito, humantong iyon sa makasaysayang tagumpay ng bansa.
Naging instrumento si Go sa pagkuha ng isang sponsorship deal sa Phoenix Petroleum Philippines na nakatulong sa pagsasanay ni Hidilyn para sa 2020 Tokyo Olympics. Nasungkit ni Hidilyn ang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa sa Olimpiyada.
“So ibig sabihin, kapag nagsama po ang gobyerno at private sector para sa isang atleta, malayo po ang mararating. At kaya natin manalo ng gold sa Olympics,” idiniin ni Go.
Pinuri rin ni Go ang naging tagumpay ni gymnast Carlos Yulo matapos makahamig ng double Olympic gold medals sa nagpapatuloy na 2024 Paris Olympics.
“At tingnan n’yo itong si Carlos Yulo. Napakalaki ng potensyal. Sinuportahan talaga ng gymnastics association nila. Eh, kita n’yo, noon pa, tinutukan na nila ito. Nanalo tayo, ‘yung inaasam natin na gold, nakuha na naman natin, dalawa pa,” pagmamalaki ng senador.
Labis na hinangaan ni Go si Yulo sa ipinakita nitong determinasyon at puso tungo sa tagumpay.
“Kita niyo, small but terrible si Carlos Yulo. Talagang makikita mo na sa pagiging atleta, hindi lang tinitingnan ang height. But kita niyo ‘yung potential niya. At saka, ang galing ng ating golden boy. Ang puso ng Pilipino, mas malaki kaysa sa iba,” dagdag ni Go.
Dahil dito, inihain ni Go ang Senate Resolution No. 1100 na bumabati at nagbibigay karangalan kay Yulo.
Noong Hunyo, nakipagtulungan si Go sa Philippine Sports Commission sa pamamahagi ng mga tseke na nagkakahalagang P500,000 sa bawat Olympian upang makatulong sa kanilang paghahanda sa Paris Olympics.
Kasunod naman ng kanilang bronze medal finish sa Asian Volleyball Challenge Cup, ang Alas Pilipinas Women’s Volleyball Team ay nakatanggap ng pinansiyal na suporta na P200,000 mula kay Go, sa pamamagitan ng PSC.
Noong 2021, sinuportahan ni Go ang panukala ng PSC na nagsusulong ng karagdagang allowance at insentibo para sa mga atletang lumahok at nanalo sa 2020 Tokyo Olympics at Paralympics sa Japan. RNT