Home METRO Inang nagtangkang magbenta ng 3-anyos na anak arestado

Inang nagtangkang magbenta ng 3-anyos na anak arestado

MANILA, Philippines- Inaresto ng mga awtoridad ang isang 27-anyos na babae matapos tangkaing ibenta ang kanyang tatlong taong gulang na anak sa halagang P30,000.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center (WCPC) Luzon Field Unit officer-in-charge Police Lieutenant Colonel Armelina Manalo, nadakip ang suspek matapos matuklasan ng mga awtoridad ang online post ukol sa pagbebenta ng isang bata mula sa Nueva Vizcaya.

“Tinanggap niya ‘yung pera kapalit ‘yung bata na kaniyang ibinebenta sa amin na akala niya ay magiging future parents,” pahayag ng opisyal sa panayam nitong Linggo.

“Ito ay usually ginagawa online kaya mayroon kaming mga grupo na nag-u-undercover, nagjo-join para sumali sa mga grupo regarding sa baby selling,” dagdag niya.

Bagama’t hindi nagbigay ng pahayag ang suspek ukol dito, sinabi ng mga pulis na kahirapan umano ang rason ng pagbebenta nito sa sariling anak.

“Iniisip nila na mas maganda ang future ng bata kung ito ay ibibigay nila sa iba kapalit ng perang natanggap nila bilang panimula o pambayad sa utang,” ani Manalo.

Mahaharap ang suspek na kasalukuyang nakaditine sa Camp Crame sa Quezon City, sa kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Law. RNT/SA