MANILA, Philippines – Ilang senador ang nagpahayag ng kani-kanilang suporta sa isinagawang National Rally for Peace ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand sa Maynila nitong Lunes, Enero 13.
Ani Senador Francis “Chiz” Escudero, nirerespeto niya ang naturang event at sinabing hindi produktibo at nakatutulong na “to throw nor address questions or issues which seek to diminish a much needed call for peace and unity in our country at this time.”
“A prayer rally for peace and unity in the country, I believe, is non-debatable. Who wouldn’t want that?” sinabi pa ng senador.
“I surely want that and a huge majority of our people as well, whether they are physically present at the prayer rally today or not, are demanding for nothing less among our leaders at the very least,” dagdag niya.
Nagpahayag din ng kaparehong sentimyento si Senador Imee Marcos sa pagsasabing ang prayer rally ay “not against the separation between the Church and the State” at sa katunayan umano ay sakop ng Konstitusyon.
Sinuportahan din ni Senador Bong Go ang panawagan ng INC na kapayapaan at pagkakaisa sa bansa.
“Magkaisa tayo para makapagtrabaho na tayo nang maayos para sa bayan at makapagserbisyo sa kapwa natin Pilipino lalo na sa mga mahihirap dahil marami pong mga kababayan natin ang nangangailangan ng tulong,” saad sa pahayag ni Go.
“Hangad natin ay hindi lang ang pagkakaisa sa kabila ng anumang isyung pulitikal. Hangad din natin ang mapayapang pamumuhay,” dagdag pa niya.
Anang mambabatas, ang mga problema katulad ng kalusugan, gutom, kawalan ng trabaho, edukasyon at kriminalidad ay masosolusyunan kung magkakaisa ang mamamayan.
“Naniniwala po ako na sama-sama nating matutugunan ang lahat ng ito kung lagi nating uunahin ang interes ng bayan at kapakanan ng ating kapwa lalo na ang pinakanangangailangan,” sinabi pa ni Go.
Samantala, sinabi naman ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi napapanahon na patalsikin si Vice President Sara Duterte sa pwesto.
“No less than the President ang nananawagan diba? So makiisa tayo sa panawagan ng ating Pangulo… huwag muna ‘yang impeachment and harapin muna ang mas mga urgent problems na kinakaharap ng ating bansa,” pahayag ni Dela Rosa sa ambush interview sa Quirino Grandstand.
“Definitely. Siguro naman napaka-plastic ko naman kung sasabihin ko sa inyo na kapag ‘yan ay umakyat sa Senado, ay magiisip pa kayo kung ano ang iboboto ko. Definitely, ako ay pabor sa sinasabi ng ating Pangulo. Ako ay pabor sa ating Pangalawang Pangulo,” saad sa hiwalay na panayam kay Senador Robin Padilla.
Iniulat ng Philippine National Police na nasa 1.8 milyong miyembro ng INC ang lumahok sa peace rallies. RNT/JGC