Home NATIONWIDE Increase sa dialysis coverage ng PhilHealth, pinuri ni Bong Go

Increase sa dialysis coverage ng PhilHealth, pinuri ni Bong Go

Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang kamakailang increase sa dialysis coverage ng PhilHealth sa pagsasabing isa itong makabuluhang hakbang tungo sa pagbibigay ng mas magandang health care service para sa mga Pilipino, partikular sa mga dumaranas ng chronic kidney disease stage 5 (CKD5).

Sa ilalim ng bagong patakaran, ang mga pasyente ay makatatanggap na ngayon ng P6,350 bawat session para sa 156 session taun-taon, na napakalaking tulong para bawasan ang out-of-pocket na gastos ng mga pasyente ng dialysis sa buong bansa.

“Ito ay isang welcome development na makakatulong sa pagpapagaan ng pinansiyal na pasanin ng ating mga dialysis patients. Sa dami ng mga kababayan natin na umaasa sa dialysis, mahalaga na masiguro natin na abot-kamay ang serbisyo sa bawat Pilipino,” sabi ni Go.

Ang bagong benefit package, na tumaas mula P4,000 bawat session noong Hulyo hanggang P6,350 simula Oktubre 7, ay bahagi ng pagsisikap ng PhilHealth na magbigay ng komprehensibong suporta sa mga pasyente ng CKD5.

Ito ay nagbibigay-daan para sa maximum financial protection na P990,600 per year, sumasaklaw sa mga mahahalagang serbisyo tulad ng anti-coagulation medication, anemia management, laboratory tests, at dialysis kits.

Kasama rin dito ang administrative fees sa dialysis machines and facility costs, na titiyak na matatanggap ng pasyente ang pangangalagang kinakailangan sa accredited facilities.

Patuloy na binibigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pantay na access sa mga serbisyo sa healthcare. Sinabi niya na ang pagtaas ng dialysis coverage ay naaayon sa mga pangunahing prinsipyo ng batas ng UHC na layong pagaanin ang paghihirap sa pananalapi ng mga Pilipinong nangangailangan ng medical treatment.

Ito ay naaayon din sa Senate Bill No. 190 ni Go, kilala rin bilang “Free Dialysis Act”. Layon nitong i-institutionalize ang isang komprehensibong dialysis benefit package na ganap na sasaklaw sa gastos ng hemodialysis at peritoneal dialysis treatment sa mga akreditadong pasilidad ng kalusugan.

“Patuloy tayong magsusulong ng mga panukalang batas na magbibigay ng libreng dialysis sa mga nangangailangan. Hindi dapat makompromiso ang kalusugan ng ating mga kababayan dahil lamang sa mataas na gastusin sa dialysis,” idiniin ni Go.

Sa ilalim ng Free Dialysis Act, ang PhilHealth ay aatasang ganap na sakupin ang lahat ng gastos na nauugnay sa mga paggamot sa dialysis at aalisin sa mga pasyente na gumawa ng co-payments. Sinabi ni Go na ang panukalang ito ay krusyal sa pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga pamilyang nahihirapan sa mataas na halaga ng medical care.

Anang senador, kailangan na higit pang palawakin ang mga benepisyo ng PhilHealth upang maisama ang iba pang serbisyo tulad ng pangangalaga sa ngipin at maternity, habang binabawasan ang premium contributions ng mga miyembro.
Nanawagan din siya na isama ang mga libreng gamot, wheelchair, salamin sa mata, at pustiso bilang bahagi ng benepisyo ng PhilHealth. RNT