MANILA, Philippines – Nakalatag na ang paghahanda sa seguridad kaugnay sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan bukas, Hunyo 12, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.
Sa pahayag, sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na sa ngayon ay walang beripikadong banta na namonitor.
“This is an annual activity that we prepare for every year. We trust our commanders and personnel for real-time security adjustments based on threat assessments, intelligence gathering and situation on the ground,” ani Nartatez.
Nakikipagtulungan ang pulisya sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders para sa coordinated security operations.
Naka-alerto naman ang mga unit ng pulisya sa buong bansa at naka-standby sa oras ng agarang deployment kung mayroong mga kaganapan.
Naghanda rin para sa flag-raising ceremonies, wreath-laying rites, parades, at cultural presentations na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”
Pinagana na ng police regional offices ang kani-kanilang security plans sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, event organizers at partner agencies.
Sa Metro Manila ay nasa 12,000 pulis at force multipliers ang idedeploy at tututok sa mga pangunahing lugar katulad ng Rizal Park, ruta ng Parada ng Kalayaan, Bonifacio Monument, Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion, Pinaglabanan Memorial Shrine, Malacañang area at bisinidad ng United States Embassy Manila.
Mahigpit din ang seguridad sa Senado at Kamara.
Ito ay kaugnay naman sa posibleng mga kilos-protesta lalo na sa kasalukuyang tensyon sa pulitika.
“We are ready. We are continuously monitoring the situation and we assure the Filipino people of the PNP’s presence and readiness as the country celebrates its Independence Day.” RNT/JGC