Home OPINION INDAY MANANALASA HANGGANG LINGGO?

INDAY MANANALASA HANGGANG LINGGO?

3
0

AYON sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, papasok na sa Miyerkules sa Philippine Area of Responsibility si bagyong Inday o Bavi sa ngalan nitong internasyunal.

Lumalapit siya mula sa Hawaii at nasa silangang bahagi ng Kabisayaan habang patungo ito sa Taiwan.

May bugso itong 250 kilometro kada oras kaya itinuturing itong super bagyo o tyhoon.

Paglapit sa Pilipinas, lalo na sa Luzon, pangunahing hahaplitin nito ang Batanes sa signal number 4 nito.

Magdadala ito ng malakas na pag-ulan at bagaman makaranas ang iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo na sa parteng silangan ng Kabisayaan at Luzon, maaaring aabot lang naman sa mga signal number 1, 2 o 3.

Ngunit dahil palalakasin umano nito ang habagat na bibira naman sa parteng kanluran ng bansa, aasa tayo ng higit na maraming lugar ng bansa na babagsakan ng ulan.

BENTAHE SA MGA DAM AT PALAYAN

Ang totoo, kung mamasyal kayo sa mga lalawigan, mga Bro, napakarami na ang nag-aararo ng mga palayan at may mga nakapagtanim na nga ng palay.

Maganda ang pag-ulan para sa mga magsasaka dahil ang totoo, tubig ang buhay ng palay hanggang sa magbunga ito bagaman hindi na ito mangailangan ng tubig sa tag-ani.

Gayunman, kung bumaha, masisira naman ang mga palay at iba pang mga pananim.

Kaya, walang nakatitiyak kung magiging maganda talaga sa mga magsasaka ang pagdating ni Inday.

Ang tiyak na inaasahang makikinabang nang husto, ang mga umaasa sa pagkapuno ng mga dam na unti-unti nang nawawalan o labis na nakukulangan ng tubig dahil sa pakikisabay ng El Nino sa tag-ulan at tag-bagyo.

Sa pagbabalik sa normal na karga o deposito ng mga dam gaya ng Angat, Pantabangan, San Roque at iba pa, makaaasa ang mga mamamayang nakadepende rito ng tubig-inumin.

Lalo na sa parte ng Metro Manila at ilang parte ng mga lalawigan ng Rizal, Bulacan at Cavite na nakadepende sa mga dam, lalo na ang Angat dam, pagdating sa tubig-inumin.

MAG-INGAT PA RIN

Dahil nga sa pagkorap ng mga pinakamatataas na opisyal ng gobyerno sa mga pondong pang-flood control, kakaunti ang mga nagagawa na panlaban sa mga baha at landslide na rin.

Kaya laging nanganganib ang milyon-milyong mamamayan sa pagragasa ng mga baha at landslide.

Sirang mga buhay at ari-arian ang dulot ng mga ito

Kaya naman, dapat na mag-ingat pa rin ang lahat sa pagdating ni Inday na kakambalan ng tag-ulan at habagat na talaga namang maperwisyo, bagaman maganda rin kung minsan sa mga magsasaka at para sa mga kalunsuran na umaasa ng tubig-inumin na mula sa mga dam.

Pinakamagandang pag-iingat ang pakikinig sa mga babala ng pamahalaan ukol sa mga pagbabakwit, pagpalaot para mangisda sa parte ng mga mangingisda at iba pa pagdating ng bagyo at iba pang masamang panahon.

Gayunman, as usual, hindi dapat ipaubaya ng pamahalaan ang lahat ng pag-iingat sa mamamayan at sa halip, dapat itong laging handa na tumulong sa kanila sa darating na sakuna na pangunahing biktima ang higit na nakararami at ordinaryong mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here