Home OPINION INDECENT PROPOSAL (PART 1)

INDECENT PROPOSAL (PART 1)

“…ANG mga solo parent na babae na nireregla pa, malinaw na nireregla pa, at nalulungkot, minsan sa isang taon puwedeng sumiping sa akin.”

Ito ang birong “narinig” sa buong social media mula sa labi ng kandidato sa pagkakongresista ng Pasig na si Ian Sia. Ang ideya niya ng pagpapatawa — binanggit bilang icebreaker sa mamamayan ng Barangay Pinagbuhatan ala-punchline — ay totoong solido ang pagkaka-punch! Pero hindi dahil nakatatawa, kundi dahil ipinaalala nito ang hirap na pinagdadaanan ng bawat solo parent na mag-isang nagpapalaki sa kanilang mga anak nang buong sigasig at husay.

Sa kanyang Facebook account, ipinakilala ni Sia ang sarili bilang “Ang Taga-Pasig na CPA Lawyer at nagsimula ng FREE LEGAL ADVICE CLINIC.” Pero anong klaseng abogado, anong klase ng lalaki, ang makapagsasalita nang ganoon kabastos na parang ipinahihiwatig na maaaring balewalain ng mga single mother ang kanilang dignidad kapalit ng taunang pakikipag-ulayaw sa kanya?

Hindi kailanman nakatatawa ang misogyny. Hindi nakatutuwang pahiyain ang mga single mother. Marahil para sa isang lalaki na inaakalang ‘cute’ ang pagiging bastos at papalakpakan ang pamamahiya sa kapwa, kasing bilis ng pagba-viral ng kanyang kontrobersyal na biro ang pagkaka-realize niya na nakagawa siya ng malaking pagkakamali.

Ngayon, maging patas tayo. Humingi na siya ng paumanhin, nagpakumbaba nang humarap sa press conference sa Kapasigan restaurant noong nakaraang linggo. Inamin niya ang kanyang pagkakamali. “I take responsibility,” aniya.

Hinanap ko ang video online at naasar ako. Ang pagso-sorry ni Mr. Sia, para sa akin, ay paghuhugas-kamay na lang ng isang nabuking sa kanyang kalokohan, nangangamoy iwas-pusoy. Sa halip na akuin ang pananagutan sa kanyang ginawa, minaliit niya ang sariling paghingi ng tawad nang sisihin niya ang nag-upload ng video sa hindi paglalahad ng tamang konteksto na sana ay — ano? – nagpalulusot sa pagbibitiw niya ng ganoong klase ng biro na nakakababa sa pagkatao ng mga single mother?

Pagkatapos, nag-ala “kamikaze” siya upang samantalahin ang isyu para siraan ang mga kalaban niya sa pulitika. Sinisi niya ang ‘trolls’ at ang mga solidong tagasuporta ng kalaban ng kinabibilangan niyang partido, si incumbent Pasig Mayor Vico Sotto, sa malawakang pamba-bash sa kanya sa buong bansa. (MAY KARUGTONG)