Home METRO Influencer maghahain ng reklamo sa NBI kasunod ng paggamit ng larawan ng...

Influencer maghahain ng reklamo sa NBI kasunod ng paggamit ng larawan ng anak sa online child pornography

MANILA, Philippines- Maghahain ng reklamo ang isang influencer sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos gamitin ang larawan ng kanyang anak para sa online child pornography.

Batay sa ulat nitong Linggo, umiyak ang influencer at CEO na si Queen Hera matapos mapag-alaman ang ginawa sa larawan ng kanyang anak na si Baby Diamond.  

“May nag-message sa ‘kin na isang nanay or mother na about daw sa victim daw ‘yung anak niya ng cyber crime or ginagamit daw ‘yung video nung anak niya para ibenta,” pahayag niya. “Nung nag scroll daw siya doon sa website, nakita daw niya ‘yung picture ng anak ko and then sinend sa akin ‘yung picture.”

“Dinikit dun sa larawan nung ari ng lalaki, na parang ‘yung nagsasalita ‘yung anak ko nakabuka ‘yung bibig, nakadikit doon. Mapapamura ka talaga sa galit. Sobrang bata pa ng anak ko para babuyin nila ng ganun,” patuloy niya.

Ibinenta ang imahe sa halagang P1,500 o USD$26. Sinabi ni Queen Hera na tinutulungan siya ng isang IT professional upang matukoy kung sino ang nasa likod nito.

Sinabi ng National Privacy Commission (NPC) na ang online child pornography cases ay tumataas dahil sa artifical intelligence (AI).

“Maaaring gamitin ito para gawan ng masama or iedit yung picture at gamitin sa isang video na hindi kaaya aya,” pahayag ni Roren Marie Chin, Public Information and Assistance Division Chief ng NPC.

“Ang amin lang paalala ay palaging maging maingat at mapanuri sa pinopost natin. I-set natin ‘yung ating Facebook, social media account sa private na setting kung saan ‘yung mga kakilala natin ‘yung mga nakaka-access.”

“Anak, mapapanood mo ‘to one day, so I feel so sorry kasi nangyari sa ‘yo ‘to. Iniisip ko palang na until now, andun pa rin ‘yung pictures mo at wala ako magawa para mapatanggal ‘yun. I’m so sorry, anak,” giit ni Queen Hera. RNT/SA