Home NATIONWIDE Puganteng Chinese itinurn-over ng PH sa Tsina

Puganteng Chinese itinurn-over ng PH sa Tsina

MANILA, Philippines- Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national at tuluyang hindi pinapasok sa bansa makaraang madiskubre na may standing criminal conviction at active derogatory alert ang dayuhan.

Ang dayuhan na kinilalang si Shi Baoyi, 36, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Mayo 29 sa pamamagitan ng Cebu Pacific flight mula Hanoi, Vietnam.

Ayon sa BI, pagdating ng nasabing dayuhan ay pinigil ito ng mga opisyal ng imigrasyon matapos tumugma ang kanyang pangalan sa aktibong Blacklist Order na inisyu noong nakaraang taon.

Si Shi ay naging paksa ng isang official communication mula sa mga awtoridad ng China noong Abril, na nagsasaad na siya ay nahatulan sa Henan Province, China noong 2022 para sa Undermining Credit Card Administration at sinintensyahan ng dalawang taon at anim na buwang pagkakulong. Siya ay pinaghahanap din para sa karagdagang mga kaso at inuri bilang hindi undesirable at isang pugante mula sa hustisya.

Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na sa kabila ng mga pagtatangka ni Shi na guluhin ang kanyang proseso ng exclusion, kabilang ang isang insidente kung saan sinadya niyang ihampas ang kanyang ulo sa glass shield ng isang fire extinguisher case, nagpatuloy ang bureau sa kanyang pagpapaalis sa bansa alinsunod sa protocol at koordinasyon sa bansang pagdadalhan nito.

Agad namang rumesponde ang mga medikal na tauhan at binigyan ng lunas si Shi. Sa kabila ng insidente, nagpatuloy ang proseso ng exclusion nito.

Noong Hunyo 9, inilagay sa ilalim ng kustodiya ang dayuhan ng mga awtoridad ng China at sumakay sa isang China Southern flight patungo sa Guangzhou, na epektibong ipinatupad ang kanyang exclusion sa teritoryo ng Pilipinas. Na-blacklist din siya mula sa muling pagpasok sa bansa.

“No act of resistance will deter us from enforcing the law,” ani Viado. “We remain committed to the President’s call for strong and secure borders, and we will continue to prevent foreign fugitives from using the Philippines as a safe haven,” dagdag pa ng opisyal. JR Reyes