MANILA, Philippines- Binuhay ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at mga katuwang nito ang information drive laban sa online scams na naglilipana tuwing Undas o All Saints’ Day.
Sinabi ni CICC Executive Director, Undersecretary Alexander Ramos nitong Miyerkules na ang Oplan Bantay Lakbay: Undas 2024 ay pakikipagtulungan sa Department of Transportation (DOTr) at Scam Watch Pilipinas upang matiyak ang ligtas na paglalakbay ng mga Pilipino at mga turista mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 5.
“While our fellow Filipinos are eager to visit the grave of our dearly departed, we sometimes also fall prey to online scammers through hotel and transportation bookings,” pahayag niya.
Binabalaan ng nasabing information drive ang publiko laban sa pagkonekta sa open at unsecured Wi-Fis, paggamit ng pekeng e-wallet apps, at pekeng customer service.
Kabilang din sa mga karaniwang scam tuwing panahong ito ay ang pekeng accomodation scams, “too-good-to-be-true deals,” pekeng travel agents, charity cons, counterfeit cash, hidden CCTVs, at fixers tulad ng nagbebenta ng overpriced tickets.
Nanawagan siya sa publiko na makipag-ugnayan sa Inter-Agency Response Center hotline 1326 ng CICC para sa anumang travel concerns bukod sa cyberfraud.
Kailangang magsumite ng ulat ng online scam victims sa 1326 habang ang mga nakatanggap ng text scams o phishing emails ay maaaring magsumite ng ulat sa eGov super app sa pamamagitan ng eReport feature. RNT/SA