Home METRO 1M inaasahang dadagsa sa Manila Memorial Park para sa Undas 2024

1M inaasahang dadagsa sa Manila Memorial Park para sa Undas 2024

MANILA , Philippines- Halos 1 milyong indibidwal ang inaasahang bibisita sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City para sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Ayon kay Assistant Park Manager Rizzalynn Acosta, mas mataas ang bilang na ito kumpara sa naitala noong nakaraang taon. 

“Since dumami na rin ‘yung ating mga libing, dumadami ‘yung mga kamag-anak na dumadalaw sa kanilang mahal sa buhay. Mas maluwag na kasi tayo since pandemic so napapansin natin na tumataas ‘yung bilang ng dumadalaw,” pahayag ni Acosta.

Bubuksan ang park sa loob ng 24 oras kada araw hanggang Nobyembre 2 para sa mga bisitang dumadalaw sa namayapang mahal sa buhay.

Sa Nobyembre 3, bukas ito mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng hapon. Magpapatuloy ang regular operating hours nitong alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon sa Nobyembre 4.

Mula Oktubre 27, mahigit 80,000 bisita na ang naitala ng pamunuan.

“Maluwag pa sa ngayon at ini-expect natin na sisikip ‘to bandang mamayang hapon,” wika ni Acosta.

“Nakaprepara naman na sa loob ng park para sa mga traffic route at kung may diversion, if ever magkaroon ng clogging or pagpupuno sa loob,” dagdag niya. RNT/SA