Home NATIONWIDE Infra dev’t sa Soccsksargen pabibilisin ng pamahalaan

Infra dev’t sa Soccsksargen pabibilisin ng pamahalaan

MANILA, Philippines – Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes, Mayo 10, na pabibilisin ng pamahalaan ang infrastructure development at sisiguruhin ang progreso sa buong rehiyon ng Soccsksargen.

Sa panayam, sinabi ni Marcos na ang kaunlaran sa rehiyon ay isasaprayoridad ng administrasyon sa ilalim ng “Build Better More” program.

“Maganda na ang takbo ng development sa GenSan. Ang gagawin ng national government ay patuloy ang pag-develop ng imprastruktura doon sa ‘Build, Better, More’ na aming ginagawa. Dahil kapag nabuksan natin lahat ng mga iba’t ibang lugar, maliwanag na gaganda ang economic situation sa mga lugar na ‘yan,” anang Pangulo.

Aniya, ang pagpapabuti ng imprastruktura sa rehiyon ay lilikha ng income opportunities at karagdagang trabaho sa mga residente.

Idinagdag pa ni Marcos na tututukan din ng pamahalaan ang mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon sa pagbibigay ng corn at palay seeds, fertilizer, farm equipment, at makinarya para sa pagproseso.

Nangako rin si Marcos na magbibigay ng karagdagang cold storage facilities sa fishery industry ng rehiyon.

“Marami naman kayong cold storage dito dahil masigla ang fishing industry dito. Ang tawag diyan is ‘we invest in success’. Napaka-successful na ng ginagawa ng GenSan kaya’t doon kami maglalagay ng investment ng galing sa national government,” sinabi ni Marcos.

Ang pangisdaan ang isa sa major industries ng General Santos City, partikular na ang tuna fishing at canned tuna processing.

Pagdating naman sa agricultural production, nangunguna ang General Santos City sa livestock at poultry maging sa produksyon ng niyog, pinya, asparagus, saging at bigas.

Sa kasalukuyan ay may major projects sa lungsod na pinangunahan ng konstruksyon ng General Santos City underpass/interchange.

Ito ang kauna-unahang mega infrastructure project ng Department of Public Works and Highways-Soccsksargen.

Ang proyekto ay isang 740-linear meters sa haba at 560-linear meter underpass tunnel na may bike lane. RNT/JGC