Home TOP STORIES PBBM: Ex-PDEA agent nuknukan ng sinungaling!

PBBM: Ex-PDEA agent nuknukan ng sinungaling!

MANILA, Philippines – Parang jukebox na tutugtog ng kahit na anong kanta basta hinulugan ng barya.

Ganito inihalintulad ni Pangulong Bongbong Marcos si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales na nagkakalat ng mga walang basehang alegasyon laban sa kanya.

“Mahirap naman bigyan ng importansya ‘yan. This fellow is a professional liar. Parang jukebox. Basta maghulog ka ng pera kahit anong kantang gusto mo, kakantahin niya. Kaya walang saysay,” paliwanag ni Marcos sa isang ambush interview sa General Santos City noong Biyernes.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi niya pag-aaksayahan ng oras ang mga kasinungalingan ng isang taong walang ni katiting na kredibilidad at maituturing na isang professional liar.

Kanya ring kinuwestiyon ang record ni Morales na napakaraming kaso sa hukuman, mga maling salaysay, at reklamo mula sa mga inosenteng indibidwal.

“Tingnan mo na lang ang kanyang… may kaso siya na false testimony. Iyan ganyan. Ilan bang mga… Marami siyang history na kung sino-sino sinasangkot kung saan-saan,” anang Pangulo.

Kinastigo na rin ng karamihan ng mga senador si Morales dahil anila’y hindi naman napatunayan ng ex-PDEA agent na sangkot sa ilegal na droga sina Pangulong Marcos at ang aktres na si Maricel Soriano.

Umani naman ng mga batikos si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, mula sa mga kapwa niya mambabatas dahil sa patuloy na pagdinig ng kanyang komite sa “PDEA Leaks” kahit wala namang inihahaing matitibay na ebidensiya at kaduda-duda ang ilang nakasalang na personalidad.

Si Morales ay sinibak bilang isang pulis at bilang isang PDEA agent dahil sa mga katiwalian, kamalian, at hindi pag-akto sa serbisyo bilang isang tunay na alagad ng batas. RNT