Home HOME BANNER STORY Infra projects ng nat’l government dapat aprobado ng LGUs bago simulan –...

Infra projects ng nat’l government dapat aprobado ng LGUs bago simulan – MMC

286
0

MANILA, Philippines – Hinihimok ang national government na humingi ng pag-apruba sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan bago simulan ang anumang mga proyektong pang-imprastraktura sa kanilang mga lugar.

Ito ang napagkasunduan ng mga miyembro ng Metro Manila Council (MMC) sa kanilang pagpupulong noong Martes, Setyembre 16, habang tinalakay ng policy-making body ng National Capital Region (NCR) ang patuloy na isyu ng mga “ghost” projects at katiwalian sa mga hakbangin sa pagkontrol ng baha sa bansa.

Ayon kay San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora, nagpasa ang konseho ng isang resolusyon na nananawagan sa national government na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) bago ipatupad ang anumang mga proyektong pang-imprastraktura.

“Kami po ay nagpasa ng isang Metro Manila Council resolution kung saan nagkasundo nga po ang mga LGUs, ang mga mayors ng Metro Manila, na dapat talaga ay magkaroon ng tamang koordinasyon ang pamahalaang nasyonal sa mga lokal na pamahalaan pagdating sa mga proyektong gusto nilang ipatupad,” saad ni Zamora.

“Hindi lamang ito limited sa mga flood control projects, ngunit anumang klaseng infrastructure projects. Hindi lang din ito limited sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kundi sa lahat ng national government agencies. Kung ano mang mga infrastucture project ang gusto nilang ipatupad sa aming mga lungsod, dapat po sila ay makipag-ugnayan sa amin at dapat mayroon kaming approval sa proyektong ito,” dagdag niya.

Paliwanag ng alkalde, layunin ng resolusyon na matiyak na lahat ng mga proyektong pang-imprastraktura sa kanilang mga lokalidad ay accounted at may maayos na koordinasyon sa mga kinauukulang opisyal at ahensya ng LGU.
Ang hakbang na ito ay nagpapanagot din sa mga alkalde sakaling may makitang mga iregularidad sa proyekto.

“Ito’y mahalaga para maiwasan ang mga nangyayari ngayon na bigla na lang nagsisimula ang national government agencies ng kanilang mga proyketo na hindi nakikipagugnayan sa pamahalaang lungsod. Bigla nalang naghuhukay, nagtatayo ng kung ano. Ngayon, kaya na namin suriin kung talaga bang nagawa ng tama, tama ang scope of work, at kung totoo talaga na may proyekto. Of course, we will not accept any project that is substandard or non-existent,” binigyang-diin ni Zamora. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here