Home METRO Inireklamong ospital sa ‘palit-ulo’ scam rumesbak

Inireklamong ospital sa ‘palit-ulo’ scam rumesbak

Nagsagawa ng press conference si Mayor WES Gatchalian kaninang araw, Abril 3, 2024, sa Audiovisual Room ng Valenzuela City Hall, hinggil sa "Palit Ulo Scam" sa isang pribadong ospital sa Valenzuela City, kung saan nakakulong umano ang mga biktima dahil sa pagkabigo na ganap na bayaran ang kanilang mga bayarin sa ospital. (c) Valenzuela City FB Page

MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Allied Care Experts (ACE) Medical Center ang bintang na ‘pangho-hostage’ o palit-ulo scam sa ilang kaanak ng nasawi nilang mga pasyente.

Base sa isinumiteng counter affidavit sa Valenzuela Prosecutors Office ng ACE Medical Center, walang malinaw na batayan na nagkaroon ng illegal detention laban kina Richel Alvaro at Lovery Santos-Magta­ngob dahil nasa isang opisina ito at pagala-gala.

Pinabulaanan din ng nasabing ospital na hindi naka lock ang nasabing opisina kung saan naroroon ang mga kaanak ng nasawing pasyente at malaya pang nakatatawag sa telepono ang mga ito.

Una nang napaulat na tatlo sa mga ­empleyado ng ospital ang kinasuhan ng serious at slight physical detention.

Tiniyak naman ng mga complainant na hindi sila magpapa-areglo sa pamunuan ng ospital at sa halip ay papanagutin ito sa kanilang pagkukulang.

Sinabi naman ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na sa pagnenegosyo, hindi lamang dapat na isipin ang kumita at sa halip ay magkaroon ang mga ito ng compassion nang sa ganon ay maiwasan ang anumang aberya lalo na kung may kinalaman ito sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.

Nitong nakaraang araw ng Miyerkules, matatandaang humarap si Alvaro at Magtangob matapos na mabiktima ng “palit ulo” nang di nito mabayaran ang hospital bill.

Sa “palit ulo” tila nakasangla ang isang kaanak ng namatay at hindi ito makakaalis ng pagamutan hanggat hindi nababayaran ang hospital bill. (Merly Duero)