MANILA, Philippines – Pinalakas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang internal accountability nito sa pansamantalang aktibasyon ng Probity Assurance Team (PAT) – Interim noong Abril 21, 2026.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, layunin ng PAT na palakasin ang integridad at disiplina sa lahat ng antas habang tinutupad ang mandato nito bilang pangunahing maritime law enforcement agency.
“Ang PAT ay magsisilbing espesyal na yunit na tututok sa pagsisiyasat ng mga iregularidad, pag-aksyon sa maling gawain, at pagsiguro na maisasagawa ang nararapat na kriminal at administratibong hakbang laban sa mga nagkakasalang tauhan,” ani Commodore Cayabyab.
Mandato ng PAT na mangalap ng ebidensya sa mga iniulat na paglabag, magsagawa ng legal na pag-aresto, maghain ng kasong kriminal at administratibo, magrekomenda ng pagpapaalis ng tauhan alinsunod sa PCG Code of Conduct at umiiral na batas, at tumulong sa pag-uusig at pagpaparusa sa mga sangkot sa kriminal na aktibidad.
Ang PAT – Interim ay binubuo ng mga opisyal at tauhan mula sa Coast Guard Chief of Staff, Coast Guard Intelligence Force, Coast Guard Inspector General and Internal Affairs Service, Deputy Chief of Coast Guard Staff for Intelligence CG-2, Coast Guard Legal Service, at Coast Guard Investigation and Detection Management Service.
“Sa pamamagitan ng aktibasyon ng PAT, binibigyang-diin ng PCG ang zero-tolerance policy nito laban sa maling gawain, pati na rin ang dedikasyon nito sa pananagutan at pinakamataas na pamantayan ng integridad sa loob ng organisasyon,” dagdag ni Commodore Cayabyab. Jocelyn Tabangcura-Domenden