MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pakikiramay at kahandaang tumulong ang iba’t ibang international organizations at bansa, kabilang ang United Nations (UN) at Estados Unidos, sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani nitong Lunes, Hunyo 8.
Sa pahayag, sinabi ng United Nations in the Philippines na patuloy nitong sinusuri ang lawak ng pinsala sa Mindanao at handa itong suportahan ang pamahalaan sa mga hakbang para sa relief, response at recovery.
“Sa panahon ng krisis, ang pagkakaisa at malasakit ang ating pinakamalaking lakas. Muling pinagtitibay ng United Nations ang pangako nitong tumulong sa muling pagbangon ng mas matatag, mas ligtas at mas matibay na mga komunidad,” ayon sa UN.
Samantala, sinabi ng United Nations Children’s Fund (Unicef) na mahigpit nitong mino-monitor ang sitwasyon at nakahanda itong magbigay ng ayuda, lalo na sa mga bata at iba pang vulnerable sectors na naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa Unicef, may mga paunang ulat ng bahagyang pinsala sa ilang mag-aaral at pagkasira ng mga paaralan at iba pang pampublikong pasilidad.
“Dapat manatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro,” pahayag ng ahensya.
Idinagdag ng Unicef na mayroon na itong nakaimbak na emergency supplies at pondo para sa agarang cash assistance, health at nutrition services, water, sanitation and hygiene programs, child protection services, at suporta upang maipagpatuloy ang pag-aaral sa panahon ng emerhensiya.
Nagpahayag din ang Embassy ng Estados Unidos sa Pilipinas na mino-monitor nito ang sitwasyon sa Mindanao at handa itong suportahan ang mga response efforts na pangungunahan ng gobyerno ng Pilipinas.
Niyanig ng magnitude 7.8 na lindol ang Maasim, Sarangani alas-7:37 ng umaga noong Lunes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Dahil dito, nagpalabas ng tsunami warning ang Phivolcs para sa ilang baybaying lugar sa Mindanao at Sulu archipelago, ngunit kalaunan ay kinansela ito alas-3:19 ng hapon matapos matiyak na wala nang banta ng mapaminsalang alon. RNT/JGC