Home METRO Intervention ng Comelec sa DILG suspension order sa mga Parayno, ‘di na...

Intervention ng Comelec sa DILG suspension order sa mga Parayno, ‘di na kailangan

Naniniwala ang Commission on Election (Comelec) na hindi na umano kailangan pa ng Comelec intervention sa isinilbing tig-isang taong suspension order ng Department of Interior and Local Government (DILG laban kina Urdaneta City Mayor Julio “Rammy” Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno kaugnay ng kasong grave misconduct at grave abuse of authority ng dalawang suspendidong lokal na opisyal.

Ayon kay Atty. Maria Norina Tangaro Casingal, Region 1 Director ng Comelec, hindi na umano pakikialaman ng ahensiya ang ipinatupad na suspension ng DILG laban sa magpinsang Parayno dahil naisilbi naman ng ahensiya noong January 7, 2025 ang suspension order laban sa mga Parayno bago pa man ipatupad ang Comelec ban noong January 12, 2025.

Sinabi ni Comelec Director Casingal, ito naman ay na recognized at nabigyan ng kopya ng DILG ang mga kinauukulan kayat walang dahilan upang hindi sundin ng mga Parayno ang tig isang taong suspension order ng Malakanyang laban sa kanila.

Samantala, nagpadala rin ng liham si Director Casingal kay DILG Region 1 Regional Director Jonathan Paul Leusen, na nagsasabing malinaw na noon pang January 3, 2025 inilabas ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 12 buwang suspension laban sa mga Parayno na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin matapos mapatunayan guilty sa kasong Grave Misconduct at Grave Abuse of Authority nang illegal na patalsikin sa puwesto si Punong Barangay Michael Brian Perez bilang Presidente ng Liga ng mga Barangay noong 2022.

Kaugnay nito, sinabi ni Atty Romeo Benetiz, Undersecretary for External Legal and Legislative Affairs ng DILG na alinsunod sa batas ang lahat nang naipatupad na hakbang kaugnay ng ginawang pagsisilbi ng ahensiya sa kautusan laban sa magpinsang Parayno kayat dapat ng mga itong sundin ang utos ng Malakanyang.

“DILG has already directed Land Bank of the Philippines and Development Bank of the Philippines not to recognize any bank transactions of the suspended officials”sabi pa ni Undersecretary Benetiz.

Una nang inatasan ng DILG si First Councilor Franco del Prado bilang Acting Mayor ng Urdaneta City Pangasinan at 2nd Councilor Warren Andrada bilang Acting Vice Mayor kapalit ng suspended Mayor Julio Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno pero ayaw pa ring umano umalis sa puwesto ang magpinsang Parayno. RNT