ISUSULONG ng FPJ Panday Bayanihan partylist ang interes ng mga barangay tanod na matiyagang nagbabantay sa mga komunidad para tiyakin ang kapayapaan sa pamayanan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng grupong FPJ Panday Bayanihan ang kawalan ng sahod at benepisyo ng hindi bababa sa isang milyong tanod mula sa 42,046 barangay sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bagamat may “allowance” na natatanggap kada buwan, karaniwan anilang hindi sapat para makabuhay ng pamilya, lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Wala rin umanong benepisyong nakalaan sa mga tagapamayapa ng komunidad dahil hindi naman pasok sa kategorya ng “empleyado” ang mga tanod.
Mungkahi ng FPJ Panday Bayanihan partylist sa Kongreso, gawing regular at bigyan ng karampatang sahod at angkop na benepisyo ang mga barangay tanod na karaniwang binibigyan lang ng P1,000 allowance kada buwan.
Ayon kay Kapitan Reil Briones ng Barangay Talao-Talao sa Lucena City, halos isang libo lang ang allowance ng tanod kada buwan at insurance coverage.
Sa isang bukod na pahayag, nanindigan si Brian Poe Llamanzares na tumatayong first nominee ng FPJ Panday Bayanihan partylist — “Hindi biro ang responsibilidad ng mga tanod na aniya’y nagpapatupad ng batas at kaligtasan ng mga residente sa nasasakupang barangay. Nararapat lamang na sila’y makatanggap ng pagkalinga mula sa pamahalaan.”1
Hirit ng FPJ Panday Bayanihan partylist group, kilalanin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga barangay tanod sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng komunidad.
Dapat rin anilang bigyan ng kasiguruhan sa trabaho ang mga tanod sa bisa ng paglikha ng plantilla position imbes co-terminous status o wala nang trabaho sa pagtatapos ng termino ng barangay chairman.
Pasok din sa isusulong ng FPJ Panday Bayanihan partylist group ang free legal assistance bilang proteksiyon mula sa pandarahas at panggigipit ng mga prominenteng taong natitisod sa pagpapatrolya. RNT