Home OPINION IPAGDIWANG MATATATAG NA ALYANSA

IPAGDIWANG MATATATAG NA ALYANSA

PARA sa akin, isinisimbolo ng araw na ito ang pag-asa para sa maraming Pilipino na pumapalag sa ginagawang pambu-bully ng China. Sa ika-12 pa ang Araw ng Kalayaan pero, ngayon, sa unang araw ng Hunyo, maninindigan ang Pilipinas, suportado ng mga astig nitong mga kaibigan – ang Amerika at Japan – sa pagsisimula ng trilateral maritime exercises na layuning protektahan ang karagatang bahagi ng ating teritoryo.

Itatampok sa susunod na pitong araw ang nakamamanghang pagpapamalas ng pagkakaisa sa pagpapalakas ng Philippine Coast Guard, US Coast Guard at Japan Coast Guard ng kanilang interoperability sa pamamagitan ng serye ng mga pagsasanay sa Mariveles, Bataan.

Isasagawa ang trilateral exercises na alinsunod sa konteksto ng panukalang paigtingin ang tripartite agreement sa pagitan ng Maynila, Washington, at Tokyo sa gitna nang hindi pa rin humuhupang tensiyon sa South China Sea at Indo-Pacific. Isa itong malinaw na pagtugon sa kayabangan ng Beijing, partikular sa panggigipit nito sa mga bangka at barkong Pilipino sa West Philippine Sea.

Bagamat nilinaw na ng PCG na ang mga pagsasanay na ito ay hindi direktang may kaugnayan sa pambabraso at pananakop ng China, ang pangunahing mensahe nito ay malinaw na umaalingawngaw. Maging ang Australia at India, na inaasahang parehong magpapadala ng observers sa mga pagsasanay pangkaragatan, ay nauunawaan ang magiging epekto ng mga maritime security initiatives na ito maging ang kanilang magiging presensiya.

Habang ipinagdiriwang nating mga Pilipino ang makapangyarihang alyansang ito, magiging saksi tayo sa determinadong diwa ng munting bansang ito na tumatangging magpasindak.

‘Pag nangailangan ng pagpapatawad

Sa harap ng labis na nakababahalang insidente na kinasasangkutan nang pag-aresto sa isang pari, nagiging kuwestiyonable ang pananampalataya ng marami sa atin. Pero kapag nakipagdebate tayo sa isyu ng relihiyon, nalalagay sa alanganin ang mismong pakahulugan natin sa ating pananalig. Wala itong kaibahan sa pagiging pagano, o ang kawalan ng matatag na pananampalataya na siyang sentro ng pananalig natin sa sariling relihiyon.

Ang pag-aresto kamakailan sa paring exorcist na si Fr. Winston Cabading, akusado ng “offending religious feelings,” ay nagbunsod sa paglalabas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng isang taos-pusong paghingi ng tawad. Isang sandali nang pagninilay-nilay at pagpapakumbaba, isang pag-amin na walang anomang institusyon ang masasabing perpekto.

Iginiit ni retired Justice Harriet Demetriou, ang nagharap ng asunto, na ang usapin ay tungkol sa batas, at hindi tungkol sa turo ng Simbahan. Binigyang-diin niya na ang tamang lugar para talakayin ang isyu ay Quezon City Regional Trial Court, at hindi social media.

Sa maselang usaping ito, naniniwala akong dapat nating timbangin ang mga diskusyon nang may pagsasaalang-alang at pang-unawa. Panahon nang panindigan ang nagbubuklod sa atin bilang isang komunidad kaysa pahintulutang lumala ang pagkakahati-hati. Buong ingat tayong mag-isip-isip, ikonsidera ang mga maaaring maging epekto ng mga bibitiwan nating salita sa pananampalataya at pananalig ng ating kapwa.

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_ View.

Previous articleWillie at Cristy, nagkaayos na!
Next articlePresyo ng LPG tinapyasan