IRAN — Iginiit ni Iranian President Masoud Pezeshkian na hindi susuko ang Iran sa kabila ng nagpapatuloy na air strikes ng Israel na nagdulot ng sunog sa isa sa pangunahing paliparan sa Tehran.
Ayon sa ulat, pinangunahan ng humigit-kumulang 80 Israeli fighter jets ang bagong serye ng pag-atake target ang isang military academy, underground command center at missile storage facility.
Nasunog din ang bahagi ng Mehrabad International Airport sa Tehran.
Sa talumpati na ipinalabas sa state television, mariing tinanggihan ni Pezeshkian ang panawagan ni US President Donald Trump para sa “unconditional surrender” ng Iran.
“Iran’s enemies must take their wish for the unconditional surrender of the Iranian people to their graves,” ani Pezeshkian.
Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng mga drone at missile attacks na nagdulot ng air raid alerts at pagsabog sa Jerusalem, gayundin sa mga lungsod sa Gulf tulad ng Dubai at Manama.
Isang ballistic missile na pinaputok patungong air base sa Saudi Arabia na may presensya ng US military ang na-intercept ng Saudi forces.
Pansamantala ring itinigil ang operasyon sa Dubai International Airport matapos ang aerial interception sa lugar.
Samantala, sinabi ng Revolutionary Guards ng Iran na target nila ang oil tanker na Prima habang tinatawid nito ang Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang shipping na sinasabing epektibong isinara ng Iran.
Humingi rin ng paumanhin si Pezeshkian sa mga karatig-bansa sa Gulf na naapektuhan ng mga pag-atake, ngunit iginiit na magiging target lamang ang mga ito kung gagamitin ang kanilang teritoryo bilang base ng pag-atake laban sa Iran.
Nagsimula ang digmaan matapos ang pinagsamang air strikes ng Israel at US noong nakaraang Sabado na ikinasawi ng Iranian Supreme Leader na si Ali Khamenei at sumira sa ilang military at government facilities.
Lumawak na ang sigalot sa iba pang bansa kabilang ang Lebanon, Cyprus, Turkey at Azerbaijan, habang isang Iranian warship naman ang pinalubog ng US forces sa karagatan malapit sa Sri Lanka. RNT/JGC