TEHRAN, Iran — Gumanti ang Iran sa Estados Unidos nitong Lunes matapos ang unang pag-atake ng US sa teritoryo nito sa loob ng isang buwan, na muling nagpalala sa digmaang kumakalat sa Middle East.
Ayon sa Iranian Revolutionary Guards (IRGC), naglunsad sila ng ballistic missiles laban sa dalawang US air base sa Jordan, na sinabing nagdulot ng “heavy damage.” Sinabi naman ng militar ng Jordan na walong missiles ang kanilang naharang.
Inangkin din ng Iran na tinarget nito ang mga tauhang militar ng US sa isang air base sa United Arab Emirates at napabagsak ang isang US drone sa Strait of Hormuz.
Ang pag-atake ng Iran ay tugon sa operasyon ng US noong Linggo laban sa mga Iranian rocket launcher sa Larak Island, na ayon sa Washington ay naglalayong pigilan ang Iran sa muling paglalagay ng sea mines sa Strait of Hormuz.
“US forces took limited, precise action against IRGC minelaying forces posing an imminent threat in the Strait of Hormuz,” pahayag ng US Central Command.
Sinabi ng IRGC na nagkaroon ng “casualties” sa kanilang panig dahil sa US strikes. Kinondena naman ng Iranian Foreign Ministry ang pag-atake at iginiit na ang kanilang pagganti ay bahagi ng “legitimate defence.”
“We are not seeking war, but we will deliver a decisive response to the aggressors,” ani Iranian President Masoud Pezeshkian.
Ayon sa US Central Command, natapos nitong linisin ang mga sea mine sa international shipping routes ng Strait of Hormuz noong nakaraang linggo. Gayunman, nananatiling naka-monitor ang US sa lugar upang maprotektahan ang malayang pagdaan ng mga barko.
Ang digmaan ay nasa ika-anim na buwan na. Bagama’t nagkaroon ng ceasefire noong Abril at nilagdaan ang memorandum of understanding para sa panghuling kasunduan sa kapayapaan noong Hunyo, wala pang permanenteng peace agreement.
Dahil sa pagharang ng Iran sa Strait of Hormuz, naapektuhan ang pandaigdigang suplay ng langis at enerhiya. Tumaas ng hindi bababa sa 2% ang presyo ng dalawang pangunahing crude oil contracts nitong Lunes.
Samantala, lumalaki rin ang pagtutol ng publiko sa US sa digmaan. Sinabi ni US Senator Jack Reed na walang nakamit na layunin ang administrasyon matapos ang anim na buwan.
“Six months later, not a single objective has been achieved,” ani Reed.
“Indeed, he has weakened our position in the Middle East and the world significantly.” RNT/MDS