BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Bumagsak sa kamay ng otoridad ang tatlong magkapatid at isa pang mister matapos maaresto sa magkahiwalay na drug buy-bust operation sa Bayombong, Nueva Vizcaya, kagabi.
Sa direktiba ni Regional Director Gil Cesario Castro ng PDEA Region 02 ay unang isinagawa ang operasyon dakong alas-7:05 ng gabi sa Purok 2, Barangay La Torre North, sa pangunguna ng PDEA Nueva Vizcaya Provincial Office, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 2 at Bayombong Police Station.
Target ng operasyon ang isang bahay na umano’y ginagamit bilang drug den ng magkakapatid na nakilalang sina alyas Boy, 52-anyos, tricycle driver; alyas Bong, 39-anyos, construction worker; at alyas Buboy, 47-anyos, construction worker.
Nakumpiska sa operasyon ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱68,000.
Narekober din ang buy-bust money at iba’t ibang drug paraphernalia.
Napag-alaman na dati nang naaresto si alyas Buboy dahil din sa illegal na droga.
Dinala ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Bayombong Police Station para sa dokumentasyon at imbestigasyon.
Samantala, isa pang 20-anyos na lalaki ang naaresto ng Bayombong PNP dakong alas-1 ng madaling araw sa harap ng isang sementeryo sa Don Mariano Perez matapos umanong magbenta ng ilegal na droga sa isang nagpanggap na buyer.
Nakuha sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tig-0.2 gramo.
Nahaharap ang apat na suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)