Home NATIONWIDE Iran inatake na naman ng US; existential war sa Amerika ibinabala ng...

Iran inatake na naman ng US; existential war sa Amerika ibinabala ng Tehran

1
0

IRAN – Muling nagsagawa ng pag-atake ang Estados Unidos laban sa mga coastal defense at missile site ng Iran kasabay ng muling pagpapatupad ng naval blockade sa mga pantalan nito, habang nagbabala ang Tehran na handa nitong palawakin ang pagharang sa pagluwas ng enerhiya sa rehiyon at iginiit na nasa isang “existential war” ito laban sa Amerika.

Ayon sa U.S. Central Command (CENTCOM), tinarget ng kanilang pwersa ang mga coastal defense system at cruise missile storage at launch sites sa Greater Tunb Island sa Strait of Hormuz. Tumagal ng humigit-kumulang 90 minuto ang operasyon.

Sinabi ng militar ng Estados Unidos na layunin ng mga pag-atake na pahinain ang kakayahan ng Iran na umatake sa mga komersyal na barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.

Kinumpirma rin ng Iranian Mehr News Agency na tinamaan ng mga projectile ng Amerika ang isang lugar sa Hengam Island.

Bilang tugon, sinabi ni Iranian Parliament Speaker at chief negotiator Mohammad Baqer Qalibaf na nakasalalay ang seguridad ng Iran sa pagpapanatili ng kontrol nito sa Strait of Hormuz.

“We are in an essential and existential war with America,” ani Qalibaf.

Lalong tumindi ang tensyon matapos ipahayag ng Iran noong Sabado na isinara nito ang Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinaraanan ng halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis at natural gas bago sumiklab ang digmaan.

Dahil dito, umakyat sa $84.95 kada bariles ang presyo ng Brent crude oil, ang pinakamataas sa loob ng isang buwan.

Samantala, muling nagbabala si U.S. President Donald Trump na maaari nilang targetin ang mga power plant at tulay ng Iran kung hindi ito babalik sa negosasyon.

Sinabi rin ng tatlong opisyal ng Amerika na layunin ng mga opensiba na sirain ang kakayahang militar ng Iran bago magsagawa ng mas malawak na operasyon upang muling mabuksan ang Strait of Hormuz.

Inihayag naman ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na naglunsad ito ng mga pag-atake sa mga base militar ng Amerika sa Bahrain, Kuwait at Jordan.

Nagbanta rin ang Iran na maaari nitong isara ang iba pang mahahalagang ruta ng pagluwas ng enerhiya sa rehiyon, kabilang ang Bab el-Mandeb Strait, sa pamamagitan umano ng mga kaalyadong Houthi rebels sa Yemen.

Ayon sa mga analyst, ang hakbang ay maaaring magbukas ng panibagong front sa sigalot at maglagay sa panganib sa dalawa sa pinakamahalagang rutang dinaraanan ng pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Sa kabila ng umiiral na interim ceasefire na nilagdaan noong nakaraang buwan, sinabi ng tagapagsalita ng Iranian Foreign Ministry na wala pa silang planong bumalik sa negosasyon at nakatuon muna ang kanilang pamahalaan sa depensa.

Ayon sa Reuters, libu-libong katao na ang nasawi at milyon-milyon ang napilitang lumikas dahil sa nagpapatuloy na digmaan na nagsimula matapos ang pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran noong Pebrero 28. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here