MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Special Operations Group – Task Force for Road Clearing head Gabriel Go sa paglahok sa clearing operations kasunod ng operasyon sangkot ang isang guro na walang helmet na nag-viral online.
“His participation in clearing operations is currently held in abeyance pending the result of the investigation,” saad sa pahayag ng MMDA nitong Miyerkules, Hulyo 16.
Sa video na ipinost sa Facebook page nito, sinita ni Go ang isang lalaking guro na walang suot na helmet habang nakasakay sa motorsiklo.
“Teacher ka tapos wala kang helmet? Paano natin tuturuan ang ating mga estudyante kung ganun?,” ani Go sa video.
Agad na humingi ng tawad ang guro at humiling kay Go na huwag i-post ang video ng paghulisa kanya.
Ngunit sinabi ng MMDA official na, “Blurred ka naman. Wag ka na lang magpapakilala ng pangalan mo.”
Pinagmulta ang guro sa hindi pagsusuot ng helmet.
Sinita ng ACT Teachers Party-list si Go sa pagpopost online ng mga operasyon nito.
“Nananawagan ang ACT Teachers Partylist kay MMDA chairperson Don Artes na sibakin na sa pwesto si Gabriel Go dahil sa patuloy nitong paglabag sa sariling direktiba ng MMDA sa usapin ng personal posts ukol sa kanilang operations,” saad sa pahayag ng party-list.
“Malinaw na vinivideohan at pinopost ni Gabriel Go sa kanyang personal account ang MMDA operations para sa kanyang sariling interes,” dagdag pa.
Nakatanggap din ng sulat ang MMDA mula sa iba’t ibang grupo kaugnay ng insidente.
“The viral video of an incident involving our personnel Gabriel Go was brought to our attention, and we have also received letters from various groups.”
“Rest assured that we are conducting an investigation as to Mr. Go’s liability, and he was asked to explain his side in formal writing through a show cause order,” ayon sa MMDA.