TEHRAN, Iran – Nagbabala ang Iran sa mga bansa laban sa pakikialam sa kanilang digmaan kontra Estados Unidos at Israel, kasunod ng panawagan ni Pangulong Donald Trump na eskortahan ang mga tanker sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi, “This war will end when we are certain that it will not be repeated and that reparations will be paid.” Sinabi rin niya na may “ample evidence” ang Iran na ginagamit ang US bases sa mga Arabong bansa para sa pag-atake.
Tumaas ang presyo ng langis sa buong mundo dahil sa sagupaan, at sinagot ni Trump ito sa panawagan sa China, France, Japan, South Korea, at UK na magpadala ng barko upang siguruhin ang kaligtasan ng pagpapadala ng langis. Ngunit nagbigay lamang ng maingat na tugon ang mga bansang ito.
Tiniyak ni Trump na patuloy ang US sa pag-atake sa mga drone, bangka, at missile launch sites sa Iran. Sinabi rin niya sa NBC News, “Iran wants to make a deal, and I don’t want to make it because the terms aren’t good enough yet,” at maaring bombahin muli ang Kharg Island “just for fun.”
Samantala, ang bagong supreme leader ng Iran na si Ayatollah Mojtaba Khamenei ay nagbanta na mananatiling sarado ang Hormuz.
Sa kabila ng tensyon, normal pa rin ang buhay sa Tehran: nagbukas ang ilang cafes at palengke, at bumalik sa trabaho ang mga residente.
Ayon sa Iranian health ministry, mahigit 1,200 ang nasawi at tinatayang 3.2 milyon ang nawalan ng tirahan dahil sa US at Israeli strikes. Ang Pentagon naman ay nagsabing mahigit 15,000 target sa Iran ang tinamaan. RNT/MND