MANILA, Philippines- Nagsagawa ang Philippine Air Force (PAF) at ang United States Pacific Air Forces (PACAF) ng bilateral integration exercise na nilahukan ng fighter ay airlift assets sa Pampanga at Cebu nitong weekend.
Inihayag ni Col. Ma. Consuelo Castillo, PAF public affairs office chief, sa isang media release nitong Sabado na ang pagsasanay na tinaguriang “Iron Blade” ay pagpapakita ng “strong and enduring partnership” sa pagitan ng Pilipinas at ng US, maging kanilang commitment sa regional security at stability.
Nilahukan ang pagsasanay ng pinagsanib na pwersa ng dalawang Philippine FA-50PH fighter aircraft, dalawang US Air Force FA-22s, at isang US Air Force C-130 Hercules transport aircraft.
Sa aktibidad, nagsagawa ang aircraft ng formation flights sa pagitan ng Basa Air Base sa Pampanga at Brig. Gen. Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu.
Nagkasa rin ng photo exercise sa misyon upang paghusayin ang kooperasyon at interoperability, ayon kay Castillo.
Bukod sa aerial maneuvers, nagsagawa rin ng subject matter expert exchanges sa Pampanga, na nakatutok sa flight operations ay maintenance, habang tinalakay ang cargo-related sa Cebu.
Bahagi ang Iron Blade ng redeployment activities ng PACAF sa pakikilahok nito sa Pitch Black Exercise sa Australia.
Isa ang Pilipinas sa kanilang stopover points bago magtungo sa Kadena Air Base sa Japan.
Ang US Air Force contingent ay may kabuuang anim na F-22s at tatlong C-130s na kalahok sa stopover. RNT/SA.