Home OPINION  ‘BIDA’ PROGRAM NG PAMPANGA PPO MATAGUMPAY

 ‘BIDA’ PROGRAM NG PAMPANGA PPO MATAGUMPAY

ANG droga, isa sa pinakamalaking problema sa bansa, ang pilit na hinahanapan ng solusyon pero sa mahabang panahon ay nabigo ang  pamahalaan sa kabila nang naisagawang iba’t-ibang  mga estratehiya.

Ang bawat dumarating na administrasyon ay may kanya-kanyang estilo sa pagtugon sa anti-illegal drugs, pinakamatindi ang ikinasang ‘approach’ ng liderato ni ex-President Rodrigo Duterte.

Sa kasaysayan, libong katao na ‘di umano’y sangkot sa droga ang namatay sa idineklarang “war on drugs”  sa tinawag na ‘Tokhang Program” ng Duterte administration.

Pero tulad nang ‘di nagtagumpay na estratehiya nang lumipas na mga lider, ang pumalpak na madugong giyera sa droga ng nakaraang administrasyon ay nagdulot  ng kahihiyan sa Pinas.

Ito rin ang dahilan kaya sinampahan ng International Criminal Court si dating Pangulong Duterte dahil sa pagkamatay  ng mahigit 12,000 drug personalities, karamihan ay mula sa depressed areas.

Dahil sa ‘di katanggap-tanggap na approach ng pamahalaan noong Duterte time, kumambyo si Pangulong Bongbong Marcos kaya idineklarang ‘bloodless’ style ang ipatutupad ng kanyang administrasyon.

Kasunod ng pahayag ni PBBM, ipinakilala ni Interior and Local Government Secretary  Benhur Abalos ang programang ‘Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan’ o  BIDA na magsisilbing gabay sa laban ng Philippine  National Police sa illegal drugs.

Sa launching ng BIDA, sinabi ng kalihim na naniniwala  siya na ang programa ay magdudulot ng positibong resulta na ngayon ay nagkakatotoo na dahil sa magagandang datos sa laban ng pulisya sa illegal drugs.

Halimbawa’y sa Pampanga, iniulat ni PCol Jay Dimaandal, police provincial director, na 89 porsyento na ng mga barangay sa lalawigan ay drug-cleared na dahil sa maayos na pagpapatupad nila ng BIDA program.

Sa 505 Barangays, 459 o 89% na ang drug-cleared; 11% o 51 brgys pa ang apektado ng droga at 15 pa ang under verification na inaasahang makakamit ang ‘cleared status’ sa lalong madaling panahon.

Para masiguro ang tagumpay ay iniutos ni Police Regional Office 3 chief PBGen. Jose “Daboy” Hidalgo, Jr., sa iba pang PD sa rehiyon na paigtingin ang pagpapatupad ng nasabing programa sa kanilang hurisdiksyon o area of responsibility.