Patuloy na nagbibigay ang DOLE o Department of Labor and Employment sa SOCCSKSARGEN ng bagong oportunidad sa rehiyon sa pamamagitan ng tulong-pangkabuhayan at emergency employment sa mga benepisyaryo ng Maguindanao at decommissioned combatants.
Sa pamamagitan ng Integrated Livelihood Program (DILP) ng DOLE at sa pakikipagtulungan ng Gintong Aral Community Development, Inc., mahigit 900 indibidwal mula sa 287 barangay sa Maguindanao del Sur ang nabigyan ng NegoKart at iba pang proyektong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P27 milyon.
Makatatanggap ang bawat benepisyaryo ng mga kasangkapan, kagamitan at materyales para sa kanilang kabuhayan na nagkakahalaga ng hanggang P30,000.
Noong ika-9 ng Hulyo, nagbigay ng mensahe si Gonzales sa ginanap na paglulunsad ng programa “Narito ang DOLE para tumulong sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) depende sa pangangailangan ng ating mga kababayan.”
Binayaran din ng DOLE ang sahod ng 300 kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF), na nagkakahalaga ng kabuuang P1,083,000.00, sa Cotabato City para sa kanilang emergency employment sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD).
Tumanggap ang bawat benepisyaryo ng P3,610 sahod para sa kanilang pagtatrabaho sa community vegetable gardening, poultry house enhancement, at baking training.
Sinabi ng DOLE SOCCSKSARGEN na ang mga inisyatiba, na ipinatupad sa pakikipagtulungan ng Ministry of Labor and Employment BARMM, ay naglalayong magbigay ng pangmatagalang suporta at kasanayan ang mga dating naghimagsik upang makatulong sa pangkalahatang kapayapaan at pag-unlad ng rehiyon.