Home HOME BANNER STORY Isa pang staff ni VP Sara, naospital din matapos dumalo sa House...

Isa pang staff ni VP Sara, naospital din matapos dumalo sa House probe sa confi fund

MANILA, Philippines – Isinugod din sa ospital ang isa pang staff ni Vice President Sara Duterte matapos humarap sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa paggamit ng Bise Presidente ng milyong pisong confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education.

Nitong Lunes, Nobyembre 25, ay inilabas habang naka-wheelchair sa Batasang Pambansa si Special Disbursement Officer Gina Acosta.

Ayon sa ulat, tumaas ang blood pressure ni Acosta habang sumasagot sa mga tanong ng mga kongresista.

Umalalay na naman dito si Duterte na dumalo rin sa pagdinig, para ilipat sa ambulansya at dalhin sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

“Ms. Gina [Acosta] is currently unresponsive for now so House Medical Director Luis Bautista declared it an emergency,” ayon kay Atty. Leandro Resurreccion IV.

Bago sumama ang pakiramdam ay nasabi pa ni Acosta sa pagdinig ng Kamara na ibinigay niya noong 2022 ang P125 milyong OVP confidential funds sa isang Colonel Lachica, na namumuno sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), kahit na siya ang opisyal na disbursing auditor.

Dagdag pa niya, ang utos ay nanggaling umano kay Duterte.

“May approval po kay Ma’am Inday Sara,” sinabi ni Acosta na sagot sa tanong ni Batangas Representative Gerville Luistro.

Nang tanungin naman ni Luistro si Acosta kung ibibigay ba niya ang P125 milyon kay Lachica kung walang pahintulot ni Duterte, ang sabi niya ay “Hindi po.”

“I trust Sir Lachica po kasi tina-trust po siya ng aking head of [OVP] office na si Maam Inday Sara [Duterte],” sinabi ni Acosta.

Sa kabila nito, iginiit ni Luistro na sa ilalim ng Presidential Decree 1445, hindi dapat ipinapasa ng disbursing officer ang trabaho sa ibang tao at maaari umano siyang maharap sa kasong malversation of public funds dahil ipinakatiwala niya sa ibang tao ang naturang pondo.

Ipinaliwanag naman ni Acosta na sinusunod lamang umano niya ang kanyang boss na si Duterte.

“Nanaig po ang aking belief na may trust po ako kay Lachica dahil authorized po ni Ma’am Sara Duterte,” aniya.

“Wala po akong alam kung paano i-implement ang confidential activities. Si Sir Lachica lang po ang may alam,” dagdag ni Acosta.

Dito na sumama ang pakiramdam ni Acosta. RNT/JGC