BAGO ang lahat, binabati muna ng PAKUROT at ng National Capital Region Police office Press Association si PBGen Anthony Aberin sa pagkakatalaga rito bilang acting regional director ng NCRPO. Si Aberin ay nakatalaga sa Police Regional Office 7 bago pa man siya naitalaga sa NCRPO bilang kapalit ni PMGen Sidney Hernia na naitalaga naman sa Area Police Command-Southern Luzon.
****************
LUNES ng umaga bandang alas-10 ginanap ang Assumption of Office ni Gen Aberin sa Hinirang Hall sa Camp Bagong Diwa, Bicutan Taguig City kung saan ang panauhing pandangal ay si PLtGen Michael John Dubria, deputy chief for operation ng Philippine National Police.
Sa acceptance speech ng bagong hepe ng NCRPO, sinabi nito na dala niyang dala niyang programa at estratehiya ay pawang nakalinya sa mga programa ni PNP chief PGen Rommel Francisco Marbil na tutuon sa walang humpay na kampanya laban sa lahat ng uri ng krimen.
Sinabi pa ng opisyal na miyembro ng Philippine National Police Academy class ’93 o Tagapaglunsad, na patuloy ang gagawing paglaban sa mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators at patuloy na pagsisilbihan ang mga mamamayan tungo sa pagbabago.
Naniniwala itong bagong top cop ng Metro Manila na upang mapagtagumpayan ang iniatang sa kanyang tungkulin ay kailangan ang “Back to Basic” at higit na pagtuunan ng pansin ang ‘crime prevention at crime solution’ kasi nga naman ang pangunahing tungkulin ng mga alagad ng batas ay pagpigil at paglutas ng krimen.
Hinikayat nito ang mga pulis na nakatalaga sa kanyang nasasakupan na maging agresibo sa ginagawang ‘police visibility’ sapagkat kailangang maramdaman ng taumbayan ang kanilang presensiya sa pamayanan at kailangang makuha ang tiwala ng mga ito na handa ang mga pulis sa mabilis na pagresponde sa lahat ng klaseng emergency.
Iginiit ni Gen Aberin na kailangang ang bawat pulis, babae o lalaki man, ay kailangang taglayin ang AAA o ABLE, ACTIVE at ALLIED.
ABLE na ang ibig sabihin ay nagtataglay ng mga kakayahang kailangan upang magawa ng matagumpay ang trabaho. Kaya nga ang mga pulis dapat ay mabigyan ng tamang training at paangatin pa ang kanilang kaalaman at husay sa teknolohiya.
ACTIVE na nangangahulugang laging handa ang mga pulis upang mapigilan ang krimen at pagbutihin pa ang pagbibigay solusyon sa kaganapan kaya naman mas patatatagin pa ang mga operasyon sa lahat ng uri ng operasyon bukod pa sa mismong paglilinis sa kanilang hanay.
ALLIED na ang ibig sabihin ay kikilalanin ang kahalagahan nang pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan sa mga stakeholder kabilang ang mga tao sa pamahalaan pribadong tanggapan, civil society group at media upang mas lalong mapalaki ang samahan at magtagumpay sa nais na marating sa pamamagitan nang sama-samang pagtupad sa tungkulin.
Naniniwala ang bagong talagang hepe ng NCRPO na hindi mapagtatagumpayan ang anomang layunin kung mag-isa lang kaya naman pagtutuunan ng pansin ang tatong “A” na kanyang initials.