LUMAYO muna tayo sa usapang pulitika na wala naman tayong napapalang maganda.
Pagtuunan naman natin ang tungkol sa mga utang ng ating bansa.
Hindi n’yo ba napansin, mas mabilis pa ang paglaki ng ating pambansang utang kaysa sa pag-unlad ng ekonomiya? Lalo tayong lumulubog, lalo tayong nalulunod.
Batay sa bagong rekord, nasa P19.07 trilyon ang kabuuang utang ng bansa, dulot ng mas mataas na pangungutang sa loob at labas ng bansa. Nalampasan na nito ang tinatayang kabuuang utang para sa buong 2026. Utang na n’yan!
Lumolobo ang ating utang nang 10.41 porsyento taon-taon. Sa pagtatapos ng unang tatlong buwan ng 2026, nasa 66.5 porsyento na ang bahagdan ng utang kumpara sa laki ng ekonomiya. Mataas pa ito kaysa sa 62 porsyento noong pinakamalalang panahon ng pandemyang COVID-19.
Nakababahala na ang bilis ng paglobo ng ating utang. At ang malungkot, hindi naman lumalago ang ekonomiya nang higit sa bilis ng pagdami ng ating populasyon.
Halos hindi umuusad ang ekonomiya kaya malabong mabayaran ang mga utang. Kung mabagal ang paglago ng ekonomiya, walang makokolektang kita ang pamahalaan. Aasa pa rin ang bansa sa pangungutang kahit alam na ito ang mabigat na pasakit sa ating pag-unlad.
Dahil dito, posibleng iwasan na ang Pilipinas ng mga nagpapautang upang patuloy na pautangin maliban kung itataas ang tubo. At dahil mas inuuna ng gobyernong ito ang pamimigay ng ayuda kaysa mga proyektong tunay na magpapaunlad sa bansa, lalong magiging maingat ang mga nagpapautang.
Ginagamit lang ng administrasyong Bongbong Marcos ang pondo ng bayan na mula sa pangungutang para “bilhin” ang taumbayan sa pamamagitan ng mga ayuda.
Masyado itong namimihasa sa pamimigay ng tulong upang makaamot ng kaunting tiwala ng mamamayan na wala na halos kabilib-bilib sa kanila.
Wala tayong nakikitang malalaking proyekto sa imprastraktura. Ang pondo ay dinambong pa. Walang pagbabago bagkus ay puro pamumulitika. Kung magpapatuloy ito sa natitirang taon ng panunungkulan, lalo nitong ilulubog ang bansa sa utang.
At ang mas pinakamasaklap, ang mga perang hiniram lamang ay ninanakaw ng mga buwaya sa pamahalaan.






