NITONG nakaraang Biyernes, 2 ex-barangay chairman sa Sulu ang nadakma ng mga awtoridad sa harap ng Sulu Provincial Capitol building, sa aktong pagbebenta ng 3-kilo ng shabu, patunay na sa lugar na ‘yan, mistulang wala nang takot ang drug syndicates na magbenta kahit sa harapan ng kanilang Kapitolyo.
Sabagay nga, dito lang sa Metro Manila at Calabarzon, balik na naman ang bentahan ng shabu sa mga kalye at mga eskinita kaya muling tumataas ang insidente ng ‘street crimes.’
Ayon naman sa ating ‘sources’ sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM at mga karatig-lugar, ang muling pagdami ng bentahan ng shabu doon ay “kakambal” nang hindi pa rin masawatang ‘smuggling’ ng mga sigarilyo. Sabagay ulit, kung sigarilyo nga kayang ipuslit, shabu pa kaya?
Nito lang Hunyo, masayang ibinalita ni Port of Zamboanga district collector Art Sevilla na higit P595-milyon halaga ng puslit na yosi ang sinira ng Bureau of Customs.
Magandang balita ito bagaman nga nakapagtataka na sa matinding kampanya ng BOC laban sa ‘yosi smuggling,’ wala pa ring naiulat na mga prominenteng tao na inaresto at nasampahan ng kaso.
Hindi naman nagtataka ang mga miron, Criminal Investigation and Detection Group director PMGen. Nick Torre, BOC Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy at BARMM police director PBGen. Romeo Macapaz.
Dangan kasi, sinasabing matataas na Local Government Unit officials sa BARMM at Sulu ang mga utak sa yosi smuggling sa ‘BASULTA area’ at “sangkot” din anila, ang mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police, kasama na rito ang CIDG hanggang sa ranggong “kernel.”
Dahil dito, mistulang ‘riding-in-tandem’ sa smuggling ang mga elected LGUs, hehehe. Yung “matataas” sa yosi, yung “maliliit”, sa shabu, aguy!
And yes, Philippine Coast Guard Admiral Ronnie Gil Gavan, sangkot din dito ang ilan sa iyong mga tauhan, katulad nitong isa mong operatiba na may ipinatatapos na dalawang bahay sa Central Luzon.
At paano kaya tuwing ‘command conference’ ng BARMM PNP? “Tinginan” at pagkatapos ay “tawanan” na lang sila?
Abangan!