MALAPIT na ang Pasko ngunit umaapoy ang giyera sa hanay ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Kapag bubusisiin mo ang mga pangyayari, may kaugnayan ang giyerang pulitika sa pagkontrol sa pamahalaan ng mga magkakamag-anak hindi lang ngayon kundi maging sa mga susunod na panahon.
Hindi kaila sa lahat na lahi-lahi ang pulitika at inaalagaan ng mga politiko ang kanilang paghawak sa pamahalaan at walang makaagaw sa paghawak nila sa kapangyarihan.
Hindi naman kaila sa lahat na kakambal nito ang pagnanakaw sa buwis ng mamamayan o sa maniobra sa negosyo gamit ang impluwensya at kapangyarihan.
Sa ngayon, isa sa pinagkakaabalahan ng malalaking politiko ang pagsira sa kani-kanilang mga kalaban dahil sa mabilis na paglapit ng halalang 2025 at kaugnay nitong 2028 na pagpili ng taong pinakamakapangyarihan sa gobyerno at sa Malakanyang na magmumula sa kanilang lahi o kakosa.
Ang pulitikang pinaghalong interes ng dinastiyang pulitikal-kapit-tuko sa pwesto at pagpapayaman sa pwesto ang pinakapundasyon o pinakaugat ng mga away-pulitika ngayon at nakikita maging sa giyera sa pagitan ng mga Duterte at Marcos at ang kani-kanilang mga kakampi.
Tingnan ang mga kasong pondong-bayang pinag-aawayan.
Puno umano ng katiwalian ang mga confidential and intelligence fund ni Vice President Sara Duterte na nasa P600 milyon.
Ngayon naman, makaraang tanggihan ni VP Sara ang mga nangongomisyon sa P5 bilyon para sa school room at repair noong 2023, bigla na lang nagsingit, ayon kay Sara, ang mga kongresman ng P10B noong 2023 at P17B ngayong 2024 ng sarili nilang DepEd projects.
Bigla ring sumulpot ang P13B na AKAP sa Bicameral Conference Committee para sa 2024 at ipinipilit rin umano ang P39B para sa 2025 at galing ang mga ito sa mga kongresman.
Ayon kay Senador Imee Marcos, hindi totoo na ginagamit ang AKAP sa poorest of the poor at taliwas ito sa sinasabi ni Speaker Martin Romualdez.
Sa Lupa’t Langit, no comment. Kayo po, kakabsat?