Home Banat By SUNOG, SUNOOOG!

SUNOG, SUNOOOG!

KAPAG may sumigaw ng sunog sa paligid o sa loob ng sarili mong bahay o gusali, dapat kasing bilis ng kidlat ang iyong pag-iisip para sa kaligtasan ng tao mula sa kamatayan at pagkasugat.

Kung babagal-bagal ka, maaaring malitson ka nang buhay o masunog ang iyong katawan na sobrang paghihirap ang iyong daranasin.

Unang ililigtas dapat ang iyong sarili at kapwa mong naroroon sa nasusunog na lugar.

Kaya matapos damputin ang pupwede mong damputin, kakaripas ka na nang takbo kung makayanan mo, bibit ang mga tao na pupwedeng bitbitin para maligtas na kagaya mo.

Pero ibang usapan na ang masunugan sa mga matataas na gusali o sa mga gusaling halos puro sarado ang lahat dahil sa sentralisadong air condition o sa mga gusaling mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga kemikal, papel, damit at iba pa.

Isa sa ikamamatay mo ang usok na pipigil sa iyong paghinga, pwera ang pagkalitson mo rin ng buhay at masunugan ng katawan.

SUNOG SA ISLA PUTING BATO

Iba naman ang nangyaring sunog sa Isla Putting Bato sa Tondo, Manila kamakalawa.

Nasa 2,000 pamilya ang naapektuhan, kasama ang natupukan ng mga bahay.

Nakita natin mismo na isang helikopter ang pabalik-balik para tumulong sa pag-apula ng apoy.

Ang mga bumbero, sa rami ng tao at sikip ng mga daan, hindi makapasok sa mga nasusunog na parte.

Kakaiba ito dahil walang takbuhan ang mga biktima at ang tumalon sa dagat, sa tubig ang remedyo para makaligtas sila sa nakamamatay na sunog.

Mabuti at may mga sumaklolo ring mga may bangka upang sagipin ang mga tumatalon at lumalangoy sa dagat.

Habang naganap ito, dumagdag na problema ang sumiklab ding sunog malapit sa Dangwa, Sampaloc.

Mabuti at naapula rin ito nang mas mabilis.

SALAMAT SA MGA BUMBERO AT TUMUTULONG

Siyempre pa, pinasasalamatan natin ang mga bumbero na tauhan ng pamahalaan at mga anti-fire volunteer organizations ng naghalong Chinese at Filipino.

Gayundin ang mga ahensya ng pamahalaan, pribadong organisasyon at indibidwal na tumatakbo sa paghahatid ng anomang tulong na kailangan ng mga biktima ng sunog.

Dumarating pa nga sa puntong tumatanggi na ang mga nasunugan sa pagtanggap sa mga tulong gaya ng patong-patong na pagkain at santambak na mga damit na inihahatid sa kanila.

Pero ang ayudang salapi, walang tumatanggi.

Obyus naman kasing pupwedeng gamitin ito sa pagbili ng higit na kailangan ng mga biktima kaysa sa mga na tulong na hindi nila kailangan.

MARAMING SUNOG SA PASKO

May kaugnayan kaya ang mga sunog ngayon sa papalapit na Pasko?

Halimbawa, ‘yung mga gamit na electrical na pailaw, hindi ba karamihan substandard at madaling mag-init na pinagmumulan nang sunog?

Very busy rin ang mga gumagawa ng mga kalakal na benta para sa Pasko.

Hindi ba pinagmumulan din ito ng mga sunog dahil sa sobrang paggamit ng elektrisidad, appliances at gadget?

Kung may kaugnayan nga sa Pasko ang mga sunog, dapat mag-ingat ang lahat at tingnan kung paano makatulong ang lahat para mapigilan ang pagkakaroon ng sunog at magkaroon ng ligtas na Pasko.