Home OPINION IKA-3 PINOY SEAMAN PATAY SA GIYERANG RUSSIA-UKRAINE

IKA-3 PINOY SEAMAN PATAY SA GIYERANG RUSSIA-UKRAINE

2
0

KABILANG ang mga Pinoy seaman sa mga may pinakadelikado at nakamamatay na kalagayan sa mga nagaganap na giyera hindi lang sa Middle East kundi rin sa Russia at Ukraine.

Nakalulungkot isipin na may tatlo nang namatay na Pinoy seamen sa giyerang Russia at Ukraine, partikular sa Black Sea, sa nakalipas na tatlong buwan lamang bukod pa sa mga nasugatan.

Sa una, ipinagmalaki ng Ukraine ang pag-drone sa mga barkong Russia na pang-militar at pangkomersyo, kasama ang mga oil tanker nito.

Ngayon naman, binobomba at dino-drone din ng Russia ang lahat ng mga barkong pag-aari ng Ukraine o kaugnay rito sa Odessa at kalapit na mga lugar ng Ukraine.

PAMAHALAAN KUMIKILOS NAMAN

Hindi naman matatawaran ang pagkilos ng ating pamahalaan upang iligtas sa kapahamakan ang mga Pinoy seaman.

Bukod sa pagkuha sa mga bangkay ng mga nasasawi at nasusugatan na personal na pinupuntahan mismo ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac sa ibang mga bansa na roon sila inilalagak, kinakausap din niya mismo ang mga kompanya ng barko na huwag isama sa mga paglalayag ang mga Pinoy sa mga lugar na may giyera.

Naririyan din ang pakikipagtulungan ng Overseas Workers Welfare Administration sa pag-aasikaso maging sa mga pamiiya ng mga biktima at Department of Foreign Affairs na nagsusulong ng pagpapairal ng kapayapaan at hindi digmaan at pagkakaibigan ng lahat ng bansa.

Nagbibigay rin ang Department of Labor and Employment at Social Welfare and Development ng trainings at pagkakataon para sa ibang hanapbuhay na pupwedeng malipatan ng mga seaman.

Gayunman, dahil sa talagang kakapusan sa loob ng bansa ng oportunidad para mabuhay nang sapat at magkaroon ng tiyak na magandang kinabukasan ang milyon-milyong mamamayan, kasama ang mahigit 500,000 seaman, napakahirap silang pigilin na makipagsapalaran sa ibang bansa.

Tanging sa pangingibang bansa ang kanilang pag-asa para makamit ang makatao at magandang bukas.

4 TAONG ITINODO ANG PAGNANAKAW

Noong 2022 na pasimula ng administrasyon ngayon, kabilang tayo sa milyon-milyong mamamayan na umasa para sa pagbabago at mapakikinabangan ng lahat ng mamamayan.

Makaraan ang apat na taon, marami na ang nadidismaya at sinasabi nilang tila nawawalan na ng nasabing pag-asa.

Pangunahin na dahilan ang lumilitaw na todong pagnanakaw sa kaban ng bayan sa nakalipas na apat na taon na pagkakataon sana para sa pagbabago at pag-unlad.

Kung pagsama-samahin ang mga nakawan sa flood control projects, school projects, health projects at iba pang mga proyekto, may nagsasabing baka aabot lahat o higit pa sa P2 trilyon at hindi lang nasa P1.3-P1.7T na konektado lang sa flood control.

Napakalaki sanang puhunan ito para sa paglikha ng trabaho sa iba’t ibang larangan ngunit ibinulsa lang ng iilang politiko at malaking bahagi rito ang hindi ginagastos kundi itinatago lang sa kani-kanilang mga maleta, mansyon o bahay o inilabas sa ibang bansa.

Kung may ginagastos man sila, pawang panluho lamang.

Ngayon, nais daw nilang ipakita sa susunod na huling dalawang taon na nagsisisi at magbabago na sila?

Omaygad!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here