MANILA, Philippines – Nananatiling suspendido ang mga dagdag-pasahe na inaprubahan noong Marso, ayon kay Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez.
“‘Yung fare hike nung March 2026 that was suspended, nung panahon na ‘yon nagsimula ang mga problema natin dahil sa Middle East, tumaas ang presyo ng langis. We suspended the implementation of that fare hike at mananatili pong suspended ‘yan ngayon,” ani Lopez.
Noong Marso, ipinag-utos ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang suspensyon ng fare hikes sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng tensyon sa Middle East.
Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang dagdag-pasahe na mula ₱1 hanggang ₱40 sa lahat ng public utility vehicles, maliban sa regular taxis at motorcycle taxis.
Nakatakda sanang ipatupad ang fare increases noong Marso 19, 2026.
Gayunman, nilinaw ni Lopez na magpapatuloy ang mga pagdinig sa mga petisyon para sa dagdag-pasahe kahit suspendido pa rin ang pagpapatupad ng mga naunang inaprubahang taas-singil. RNT