MANILA, Philippines – Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na nag-withdraw ang isa sa tatlong local partners ng Miru System para sa 2025 midterm elections.
Ayon sa Comelec, tinanggap nila ang isinumite ng MIRU na opisyal na withdrawal letter ng St. Timothy Construction Corporation (STCC).
Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, walang indikasyon noon na mayroong tatakbo na kasosyo ng MIRU ngunit tinitiyak ng poll body na sila ay naging pro-active o umaksyon agad ang komisyon bago pa man magkaroon ng problema.
Gayunman, wala pa naman aniyang nagpa-file ng COC mula sa STCC, kaya maituturing na wala pang vested rights na malalabag dito.
Naniniwala naman si Garcia na hindi papayag ang MIRU system na masira ang kanilang integridad gayundin ang Comelec na sinisiguro na protektado ang integridad ng bansa.
Sinisiguro rin ng MIRU System sa Comelec na wala silang magiging problema sa ginagawang paghahanda sa 2025 midterm elections.
Tiniyak ni Garcia na hindi makakaapekto sa paghahanda para sa 2025 midterm elections ang nangyaring withdrawal ng St. Timothy Construction Corporation (STCC).
Nangako ang MIRU sa pagpapanatili ng pinakamataas na pamantayan ng kawalang-kinikilingan at integridad.
Sa kabila nito, nagpapasalamat ang Joint venture sa STCC para sa kanilang transparency at proactivity sa pag-alis mula sa partnership na ito.
“We reiterate that this will not affect our commitment to delivering a better automated system in the service of Filipinos.”
Napag-alaman na posibleng tatakbo sa halalan ang may-ari ng STCC kaya’t nagkusa na itong umatras. Jocelyn Tabangcura-Domenden