Home NATIONWIDE Iskedyul ng klase pwedeng i-adjust kontra malaimpyernong init – DepEd

Iskedyul ng klase pwedeng i-adjust kontra malaimpyernong init – DepEd

MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Education (DepEd) noong Miyerkules na sinimulan na nitong ipatupad ang mga hakbang para protektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga estudyante at kawani ng paaralan laban sa matinding init na nararanasan sa ilang lugar.

Kabilang dito ang pag-aadjust ng class schedule, kung saan inilipat ang morning sessions mula 6 a.m. hanggang 10 a.m. at ang afternoon sessions mula 2 p.m. hanggang 6 p.m. Ang asynchronous learning naman ay isinasagawa mula 10 a.m. hanggang 2 p.m.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, maaaring lumipat ang mga paaralan sa remote o asynchronous learning kung umabot sa 42 degrees Celsius o mas mataas pa ang heat index, o ayon sa direktiba ng lokal na pamahalaan.

Sinisiguro rin ng DepEd ang pagkakaroon ng online learning resources at paggawa ng self-learning modules.

Upang maiwasan ang matinding init, pinaalalahanan ni Angara ang mga paaralan na iwasan ang outdoor activities tuwing peak heat hours at limitahan ang physical activities ng mga mag-aaral.

Pinayuhan din niyang gamitin ang mga covered area tulad ng school courts at hikayatin ang pagsusuot ng magaang at komportableng uniporme para sa mga estudyante at kawani.

Kasama sa mga karagdagang hakbang ang pagdaragdag ng electric fans sa mga silid-aralan, pagtatayo ng hydration stations, at pamamahagi ng insulated water containers.

Balak din ng DepEd na tanggalin ang mga harang tulad ng kurtina at board para mapabuti ang daloy ng hangin at maglagay ng first aid kits na may kasamang cooling packs at emergency thermometers.

Magsasagawa rin ng electrical, fire, at safety inspections kasama ang DepEd disaster risk reduction and management service, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya.

Bukod dito, tututukan ng school medical personnel ang pagmo-monitor at pag-iwas sa mga heat-related health issues tulad ng heat cramps, exhaustion, at heat stroke.

Nagbabala rin ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng kaso ng heat-related illnesses ngayong dry season. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nararanasan ang mapanganib na heat index noong Marso 5 sa ilang lugar tulad ng San Jose, Occidental Mindoro (42°C), Legazpi City, Albay (43°C), Virac, Catanduanes (43°C), at Pili, Camarines Sur (43°C).

Noong nakaraang taon, pinahintulutan ng DepEd ang mga school head na suspendihin ang face-to-face classes dahil sa matinding init at binigyan ng kapangyarihan ang mga regional director at superintendent na mag-adjust ng class schedule. Santi Celario