Bulacan – Patay ang paslit na biglang tumawid sa kalsada nang aksidenteng masagasaan ng ambulansiya sa bayan ng Santa Maria.
Sa report ng pulisya, ang biktima ay isang 7 taong gulang na lalaking estudyante, residente ng Brgy. Lambakin, Marilao.
Ayon sa report, naganap ang insidente bandang 12:30 ng tanghali nitong Marso 4 sa kalsada sakop ng Paso Brgy. Bagbaguin.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, aksidenteng nasagasaan ng Toyota Hi-Ace Commuter ambulance ang biktimang biglang tumawid sa kalsada sa nabanggit na lugar.
Agad dinala ng ambulance crew ang biktima sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay.
Boluntaryong sumuko naman ang driver ng ambulansiya na isang 50 anyos na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide. (Dick Mirasol III)