Home METRO Mas malalim na imbestigasyon sa bumigay ng Isabela bridge hirit ng Malakanyang

Mas malalim na imbestigasyon sa bumigay ng Isabela bridge hirit ng Malakanyang

MANILA, Philippines – HANGAD ng Malakanyang ang mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa pagguho ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela nitong Huwebes ng gabi, Pebrero 27, habang may dumadaang trak.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na kailangan ang malaliman at masusing imbestigasyon dito, lalo pa’t sa inisyal na pagsisiyasat ay napag-alaman na ang tulay ay “under design” at maaari lamang mag-accommodate ng mga ‘light vehicles.’

“Nagkaroon na po talaga ng imbestigasyon but it’s initial investigation. Ang nakikita po, sabi nga po natin, ito ay nag-start noong 2014 at lumalabas po na 90 percent ay naisagawa po ito sa panahon po ni dating pangulong [Rodrigo] Duterte,” ang sinabi ni Castro.

“Titignan po talaga ‘yung sinasabing under design. Ano ‘yung naging cause kugn bakit hindi kakayanin ‘yung mga heavy vehicle. Lumalabas nga po sa initial design, pang-light vehicle lang siya,” dagdag na wika nito.

Sinabi pa ni Castro na maaari ring papanagutin ang nagmamay-ari ng mabigat na trak na dumaan sa tulay.

Ito’y dahil sa hindi naman lingid sa kaalaman ng mga may-ari ng mga trak na may boulders na ang tulay ay dinisenyo para lamang sa mga light vehicles.

“Nagkaroon po talaga ng hindi tama noong dumaan. Hindi naging maayos,” ani Castro.

“Hindi lamang po ang nakaraang administrasyon ang puwedeng panagutin dito. Lahat po, hanggang sa ngayon, kung sino po ang maaaring may liability dito, kung meron man, lahat pong iyan ay dapat managot.” aniya pa rin.

Sa ulat, biglang bumagsak ang Cabagan-Santa Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela nitong Huwebes ng gabi, Pebrero 27, habang may dumadaang trak.

Nadaganan ang isang sasakyan ngunit wala pang tiyak na impormasyon tungkol sa kalagayan ng nagmamaneho nito.

Napag-alaman na binuksan ang naturang tulay ilang buwan pa lamang ang nakalipas.

Ang Santa Maria Bridge ay tinawag na “landmark bridge project” sa Isabela, batay sa artikulo na inilabas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Enero 17, 2018.

Ang 720-lineal meters landmark bridge na proyekto ng DPWH ay kapalit ng overflow bridge structure na nagkokonekta sa mga bayan ng Sta. Maria at Cabagan sa lalawigan ng Isabela.

Base sa DPWH, nagkakahalaga ang proyekto ng halos P640 milyon.

Ayon pa sa DPWH, kadalasang hindi madaanan ang Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge kapag malakas ang pag-ulan at lumulubog ito sa baha at sa pag-apaw ng Cagayan River kung kaya’t nagpatayo ng panibagong tulay.

Kapag natapos ang tulay, inaasahang makikinabang umano rito ang mahigit 2,700 na mga motorista kada araw at mababawasan ang oras ng biyahe sa Cordillera Administrative Region. Kris Jose