MANILA, Philippines – INAASAHAN na bababa ang presyo ng bigas at baboy ngayong buwan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iniulat kasi Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang inaasam na price cut sa bigas at baboy sa isinagawang pagpupulong sa Palasyo ng Malakanyang.
Pinagbatayan ang report ni Tiu Laurel, sinabi ni Castro na ang presyo ng bigas ay bababa sa P45 per kg. ngayong Marso 31, bababa mula sa kasalukuyang P49/kg. average.
Samantala, ang presyo naman ng baboy ay nakikitang bababa rin, may ilang pagtapyas sa presyo ng kasim at pigue, potensyal na pagbaba sa pagitan ng P350 hanggang P360/kg. sa Marso 10.
Ang presyo ng liempo o pork belly ay inaasahan naman na bababa sa P380/kg.
Ipinagpapalagay ng Palasyo ang pagbaba ng presyo ng bigas sa pagbabago ng presyo sa mundo.
“Sa ngayon po, ang sabi po ni Secretary Laurel ay bumaba po ang world price. Kung nagkakaroon po kasi ng pagtaas talaga ng bigas, ito po ay… ang nagiging basehan, ang one of the factors dito ay iyong world price,” ayon kay Castro. Kris Jose