Home METRO Iskedyul ng modified classes sa Makati, ikinasa

Iskedyul ng modified classes sa Makati, ikinasa

MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagpapatupad ng modified class schedule ng mga paaralan sa lungsod upang mabigyan ng proteksyon ang mga estudyante at guro sa kabila ng kasalukuyang nararanasang init ng panahon.

Sa inilabas na advisory ng lokal na pamahalaan, sisimulan ang implementasyon ng bagong iskedyul ng modified classes sa Lunes, Abril 8 mula alas 6:00 hanggang alas 10:00 ng umaga para sa mga pang umagang estudyante habang 3:30 hanggang alas 7:30 ng gabi naman paara sa mga estudyante na nag-aaral sa hapon.

“Habang pinaiikli ang mga klase, pinapaalalahanan ang mga magulang na masigasig na subaybayan at isumite sa tamang oras ang activities ng mga anak araw-araw. Pinapayuhan din ang lahat na magsuot ng komportable at light-colored na damit sa klase. Mangyaring dalhin ang iyong mga tumbler at uminom ng maraming tubig upang manatiling hydrated,” ayon sa advisory.

Base sa kasalukuyang memorandum ng Department of Education (DepEd), ipinaliwanag ni Deputy Spokesperson and Assistant Secretary for Operations Francis Bringas na sa mga oras ng pagdating ng masamang panahon ay pinagkakalooban ng basbas ng ahensya ang namumuno sa mga eskwelahan na magkansela ng klase base sa kanilang maingat na konsiderasyon.

“Inaatasan natin or binibigyan natin ng authority ang ating mga school heads na mag-suspinde ng klase base sa kanilang maingat at wise discretion para masigurado na safe pa din ang ating mga mag-aaral pati na din ang ating mga guro,” ani Bringas.

Dagdag pa ni Bringas na kailangan din ng mga namamahala sa bawat eskwelahan na maghintay ng anunsyo mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) tungkol sa mararanasang heat index sa kani-kanilang mga lugar.

“Iyon ang nagiging basehan din nila sa kanilang desisyon kung sususpindihin or hindi ‘yung ating mga face-to-face classes at mag-shift na lang sa alternative or blended learning delivery mode,” ani pa Bringas.

Paliwanag pa ni Bringas na maayos din na ipinatutupad ang implementasyon ng Alternative Delivery Modes (ADM) sa mga paaralan upng masiguro ang patuloy na pag-aaral ng mga estudyante sa kabila ng suspensyon ng face-to-face (F2F) classes. James I. Catapusan