MANILA, Philippines – Umapela si Manila Mayor Isko Moreno sa Meta Philippines na ibalik ang kontrol ng opisyal na Facebook page ng Manila Public Information Office (MPIO), na hawak pa rin umano ng dating mga empleyado ng lungsod.
Sa pulong ng Manila Disaster Council, iginiit ni Moreno ang kahalagahan ng nasabing page sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa oras ng sakuna.
Inatasan din niya ang Meta na ilipat ang page administration kay E-jhay Talagtag, ang bagong talagang PIO chief.
“Habang naka-hostage pa ang MPIO Facebook Page, dito muna tayo mag-aanunsyo ng mga balita sa ating lungsod,” aniya sa kaniyang personal na Facebook post.
“Maghahain kami ng kaso sa mga may gawa nito. Pag-aari ‘yan ng gobyerno. May gobyerno na sa Maynila, hahabulin namin kayo,” babala pa niya. RNT