Home OPINION MANGGAGAWA SA NCR MAKATATANGGAP NG KARAGDAGANG PHP50.00 SAHOD

MANGGAGAWA SA NCR MAKATATANGGAP NG KARAGDAGANG PHP50.00 SAHOD

INAPRUBAHAN ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region (NCR) ang Wage Order No. NCR-26.

Magandang Balita ito para sa 1.2 milyon minimum wage earners ang inaasahang makatatanggap ng Php50.00 na karagdagang arawang sahod epektibo sa darating na Hulyo 18, 2025.

Sa anunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Hunyo 30, 2025, itinaas ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa non-agricultu­re sector mula Php 645.00 tu­ngong Php 695.00, habang ang mga nasa agriculture sector, service at retail establishments na may 15 o mas kaunting mang­gagawa, at mga manufacturing firms na may regular na emple­yado na mas mababa sa 10 ay makatatanggap ng umento mu­la Php 608.00 patungong Php 658.00 kada araw.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), ang umento ay katumbas ng dagdag na Php1,100 ba­wat buwan para sa limang araw ng trabaho kada Linggo, at Php1,300 naman kung anim na araw ang pasok. Sa bagong pasahod, maaaring kumita ng humigit-kumulang Php15,247 hanggang Php18,216 ang mga manggagawa sa isang buwan, kasama na ang mga benepisyo gaya ng 13th month pay, service incentive leave, at kontribusyon sa Social Security System, Phi­lippine Health Insurance Corporation, at Pag-IBIG Fund.

Ang NCR wage board ang unang rehiyon sa bansa na nag­labas ng bagong wage order para sa taong 2025, patunay sa patuloy na pagsusuri ng regional wage boards sa epekto ng inflation at pangangailangan ng mga manggagawa.

Bagamat ikinatuwa ng mga manggagawa ang dagdag-sahod, iginiit nilang hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang tumataas na halaga ng bilihin at bayarin sa Metro Manila. Hiling nila ang mas madalas at mas mataas na pagtaas ng sahod upang umabot sa living wage na tinataya ng IBON Foundation sa higit Php1,200 kada araw para sa isang pamilyang may limang miyembro.

Nagpahayag naman ng pa­ngamba ang ilang maliliit na ne­gosyo ukol sa epekto ng umento sa kanilang operational costs, subalit tiniyak ng DOLE na may mga programang suporta ang pamahalaan upang tulungang ma­kasabay ang mga micro, small and medium enterprises.

Matatandaan na umusad sa Senado at House of Representatives ang isang “legislated wa­ge increase” na Php100.00 at Php200.00, pero hindi nakapagbuo ng bicameral committee ang Kongreso hanggang sa pagtatapos ng sesyon ng 19th Congress.