Home METRO Isko Moreno, nanawagan sa mga lider ng bansa na magkaisa para sa...

Isko Moreno, nanawagan sa mga lider ng bansa na magkaisa para sa kapakanan ng mamamayan

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga lider ng pambansang pamahalaan na isantabi ang kanilang mga pagkakaiba at maghanap ng pagkakasunduan sa gitna ng umiiral na tensiyong pampulitika sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Hunyo 8, sinabi ni Domagoso na ang kapakanan ng sambayanang Pilipino ang dapat maging sentro ng anumang pag-uusap at pagresolba ng mga sigalot sa politika.

Aniya, mainam na magtagpo ang mga lider sa iisang hapag at pag-usapan kung saan sila maaaring magkasundo. “Hindi pwedeng dalawang kalye magkatapat at parehong umaandar, walang patutunguhan ang ating bansa,” diin ng alkalde.

Iniugnay ni Domagoso ang kanyang panawagan sa nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Aniya, ang kalayaang ipinaglaban ng mga bayani tulad ni Andres Bonifacio ay may kaakibat na pananagutan sa bayan, bagay na aniya’y tila nalilimutan ng ilang lider dahil sa kanilang mga hidwaan sa politika. Binigyang-diin niya na ang “common ground” ng lahat ng pinuno ay ang mamamayang Pilipino at hindi ang interes ng anumang partido.

Nagbabala rin ang alkalde na ang pagkabigo ng mga institusyon ng gobyerno na gampanan ang kanilang tungkulin ay direktang makaaapekto sa ordinaryong mamamayan, lalo na sa mga residente ng Maynila. Umaasa aniya siya na mananaig ang karunungan at mailalagay sa unahan ng mga lider ang serbisyo publiko kaysa sa pulitika.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Domagoso ang mga kawani ng pamahalaan na gampanan nang mahusay, masinop at epektibo ang kanilang tungkulin bilang paraan ng pagbibigay-pugay sa mga bayaning nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bansa. Iginiit din niya na mananatiling nakatuon ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa paghahatid ng serbisyo sa mahigit dalawang milyong Manileño at hindi magpapadala sa mga umiiral na sigalot sa pambansang politika. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here