Home NATIONWIDE Isko nanawagan ng pagkakaisa sa resulta ng 2025 polls

Isko nanawagan ng pagkakaisa sa resulta ng 2025 polls

MANILA, Philippines – SA oras na palarin si dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na maupo muling alkalde ng lungsod ng Maynila matapos ang isinasagawang 2025 midterm election, mananawagan siya ng pagkakaisa o reconciliation tulad ng kanyang mga naunang panawagan sa kanyang pagtakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Domagoso sa panayam nito sa mga mamamahayag matapos nitong bumoto sa Manuel Luis Quezon Elementary School sa Perla St. Tondo, alas-10:20 ng umaga, kung saan mainit ang naging pagsalubong sa kanya ng mga botante, lalu na ng mga lolo at lola, nanay at tatay, at mga batang Maynila sa Unang Distrito ng Tondo.

“Kasi if may awa ang Diyos, pinalad tayo sa tulong ng tao, I don’t want also to govern the people of Manila with full of hatred among each other dahil siyempre, at the end of the day, kaming mga batang Maynila din na magkikita sa finals, kaya gusto nating matapos ito ng mapayapa ng walang kinikimkim na poot,” ayon kay Domagoso.

Sinabi pa ni Domagoso na kahit sa panahon ng kanilang pangangampanya ng kanyang ka-tandem na si Chi Atienza ay hindi nila pinairal ang negatibong uri ng kampanya at lahat aniya ng mga batikos at pangungutya sa kanya ay naipaliwanag niya ng maayos sa publiko sa mga nagdaang caucus.

Kaugnay nito, nagpasalamat din si Domagoso na naging ligtas at wala isa man sa mga kandidato sa lungsod ang nagkasakit sa panahon ng pangangampanya.

“Nagpapasalamat tayo una sa Diyos, dahil halos lahat ng kandidato, weather on the opposing party or the other side, naging ligtas at so far as of today, generally, walang unnecessary incidents, ang hirap talaga ng panahon, sobrang init, but I’m happy for everyone na nakaraos na malusog ang lahat.” ani Domagoso.

Pinuri din ng nagbabalik alkalde ng Maynila ang maayos na proseso ng halalan, lalu na sa personal niyang karanasan, na wala kahit konti man lamang aberya mula sa paghahanap ng presinto hanggang sa pagpasok ng balota sa Automated Counting Machine (ACM) at paglabas ng voter receipt. JR Reyes