MANILA, Philippines – Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang concerned agencies na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng lumalalang tensyon sa Middle East, bunsod ng giyerang Israel at Iran.
Sinabi ni Go na mahalaga ang tuloy-tuloy o “round-the-clock support” para sa mga Filipino na naiipit sa digmaan, lalo’t pinangangambahan ang paglawak ng sigalot sa buong rehiyon.
Patuloy na nagpapalitan ng airstrike at missile attack ang Iran at Israel kaya maraming sibilyan na ang namatay at nasugatan na nagdulot ng large-scale evacuations.
Ngunit malaking problema ang paglikas sa pamamagitan ng himpapawid dahil sa pagsasara ng mga paliparan.
Libu-libong OFWs ang nakaistasyon sa high-risk zones sa Israel, Iran, at karatig na Gulf states, kaya idiniin ni Go na krusyal ang coordinated response mula sa pamahalaan at government agencies.
“Unang-una, nananawagan po muli ako sa Department of Migrant Workers, isang departamento na ating isinulong noon; iilan lang po kaming nagsulong ng departamentong ito na DMW para po tumugon sa ating mga kababayang migrant workers,” sabi ni Go matapos bisitahin at ayudahan ang fire victims sa Mandaue City.
Isa si Go sa nag-akda at co-sponsor Republic Act No. 11641, na lumikha sa DMW para mapabilis at mapalawak ang serbisyo ng gobyerno sa Filipino migrant workers.
Naging batas matapos lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong December 2021, pinagsama-sama ang iba’t ibang ahensya sa ilalim ng isang departmento para sa mas “focused, responsive, and efficient assistance” sa OFWs sa buong mundo.
“Dapat siguruhing safe sila, ilikas kaagad sa ligtas na lugar at tumugon kaagad ang gobyerno at bukas po ang opisina,” sabi ni Go.
Inihayag ni Go na nakatatanggap ang kanyang opisina ng apela mula sa OFWs at humihingi ng tulong para sila ay mailikas at maibalik sa bansa.
“Alam n’yo, iyan ang parati kong ipinapaalala sa ating mga opisyal ng DFA, sa DOLE, at DMW — sabi ko dapat 24/7 bukas ang ating opisina,” anang senador.
“Importante safe po ang ating mga kababayan na naiipit sa giyera. Dapat po’y tugunan ito ng gobyerno. Kung kailangang ibalik dito, ibalik. Bigyan natin ng peace of mind ang kanilang pamilya,” sabi pa ni Go. RNT