Home NATIONWIDE Israel President sa Gaza residents: Lumikas na kayo ngayon!

Israel President sa Gaza residents: Lumikas na kayo ngayon!

319
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu nitong Lunes sa mga residente ng Gaza City na lumikas habang pinaigting ng Israel ang pambobomba bilang paghahanda sa paglusob sa pinakamalaking lungsod ng enclave.

Iniulat ng civil defense ng Gaza na 39 ang nasawi sa araw na iyon, kabilang ang 25 sa Gaza City, sa kabila ng panawagan ng mga bansang Kanluranin at aid groups na itigil ang pag-atake.

Sa Jerusalem naman, dalawang Palestinian gunmen ang namaril sa isang bus, ikinamatay ng anim bago mapatay ng mga awtoridad. “Let it be clear: these murders strengthen our determination to fight terrorism,” ayon kay Netanyahu.

Nagbabala rin si Israeli Defense Minister Israel Katz na dapat palayain ng Hamas ang mga bihag at isuko ang armas o tuluyang mawasak at maubos, na tinawag niyang “final warning.”

Ayon sa Government Media Office ng Gaza, 700 araw ng pambobomba ng Israel ang sumira sa halos 90% ng imprastruktura ng enclave at nagdulot ng higit $68 bilyong pagkalugi.

Mahigit 73,700 ang patay o nawawala, kabilang ang 20,000 bata at 12,500 kababaihan. Tinanggal din sa civil registry ang 2,700 pamilya. Kasama sa mga nasawi ang 1,670 health workers, 248 mamamahayag, 139 miyembro ng civil defense, at 173 kawani ng munisipyo. Higit 162,000 ang sugatan, marami ang nagtamo ng permanenteng pinsala gaya ng amputasyon at pagkabulag.

Nawasak din ang 38 ospital, 833 mosque, at 163 paaralan. Inakusahan ng Gaza ang Israel ng sapilitang pagpapalikas, paggamit ng gutom bilang sandata, at pagpigil sa pagpasok ng tulong para sa 2.4 milyong residente—mahigit kalahati ay bata—na ngayo’y nasa bingit ng taggutom.

Itinuro ng Gaza media office ang Israel at mga kaalyado nito, partikular ang US, bilang responsable sa pinsala at nanawagan sa mga bansang Arabo, Islamiko, at sa UN na wakasan ang pag-atake, alisin ang blockade, at papanagutin ang mga lider ng Israel.

Pumasok na sa ika-700 araw ang giyera ng Israel, kung saan naglabas na ng arrest warrant ang International Criminal Court laban kay Prime Minister Benjamin Netanyahu at dating Defense Minister Yoav Gallant. Kaharap din ng Israel ang kaso ng genocide sa International Court of Justice.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here